"Rumesponde ba,o pinagtripang lang ?"

SI MEI CUNTAPAY, FRESH GRADUATE MULA SA UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES, LOS BAÑOS, AY PUMASOK BILANG SEGMENT PRODUCER NAMIN SA PROGRAMANG "ISUMBONG MO KAY TULFO."

Si Mei ay nasalang sa isang mabigat na assignment. Ito ay ang pagkapatay ng isang 23 yrs. old na binata na si Nolito Aniel ng Bagong Silang, Caloocan City. Nangyari ito nung October 11, 2003. Ang bumaril sa kanya ay isang Maritime Police na si SP02 Alberto Dumlao, naka-assign sa Pier 8, Maritime Group.

Ang kailangan gawin ni Mei ay alamin kung totoo ngang napatay itong binata dahil nanghoholdap siya ng isang sari-sari store sa kanilang lugar sa Bagong Silang, Caloocan. Ito ang dahilan na ibinigay ni SP02 Dumlao kung bakit niya kinailangan barilin at patayin itong si Nolito. Dalawang beses niyang binaril si Nolito.

Nung gabi ng trahedya, naglalakad diumano si Nolito, kasama ang kanyang ina at batang kapatid. Papunta sila sa bahay ng kanyang nakatatandang kapatid na babae. Bandang alas onse na ng gabi.

Ayon sa salaysay mula sa ilang testigo at pati na rin sa pamilya ng biktima, itong si SP02 Dumlao ay basta na lamang lumutang at tinawag si Nolito. Paglingon nito, binaril si Nolito ng kanyang .45 caliber pistol sa tiyan. Nang bumagsak ito, nilapitan, niluhuran at binaril sa noo.

Patay agad ang biktima.

Sa report naman ni SP02 Dumlao, rumesponde daw siya dahil tinawag daw siya sa bahay niya, habang siya ay namamahinga na dahil hinoholdap daw ang tindahan sa lugar nila. Pagdating niya, nakita daw nito si Nolito na may hawak na sumpak at napilitan daw itong barilin ni SPO2 Dumlao.

Ang unang nalaman ni Mei ay off duty si SP02 Dumlao. Hindi daw ito naka-uniporme at naka-t-shirt lamang na nakikipag-inuman sa may-ari ng tindahan at isa pang lalake. Sa interview kay SP02 Dumlao, pilit niyang sinasabi na nakasuot daw sya ng type B uniform. Ito’y isang malaking kasinungalingan, SP02 Dumlao.

Off duty ka. Nagpapahinga ka na. Ano ba ang suot ng isang tao na nasa bahay na at nagpapahinga. Hindi ba kadalasan ay pambahay na lang. Iba itong si SP02 Dumlao. Nakasuot pa rin siya ng type B uniform ng Maritime Police. Sobra yata ang pagkapanatiko mo sa trabaho mo. Kung sasabihin naman nitong si SP02 Dumlao na nagbihis muna siya, ilang minuto ang kailangan para isuot ang type B uniform. By that time, wala na ang suspek, kung nanghoholdap nga siya ng sari-sari store.

Tinanong ni Mei kung anong kulay ng type B uiform ng Maritime Police. Sabi ni SP02 Dumlao ay "itim." Tinanong din ng matiyagang researcher namin sa tindero sa sari-sari store kung anong suot ni Dumlao at sinabi nito na naka "blue" na jacket. Alin ba ang totoo. ha, Dumlao?

Napansin ni Mei ang body language ni SP02 Dumlao habang kinakausap niya.

"Hindi siya komportable. Hindi spontaneous ang kanyang mga sagot. Napansin ko rin nung may itinuturo siya sa papel, nanginginig ang kanyang kamay na may hawak na ballpen," ayon kay Mei.

Ayon sa nakababatang kapatid ni Nolito na si Arjay, pinatay si Nolito "in cold blood." Makikita mo sa video kung paano walang katinag-tinag na sinalaysay ng bata ang buong pangyayari.

Isa pang "inconsistency" sa sinabi ni SP02 Dumlao ay hindi daw niya kilala si Nolito Aniel. Kasinungalingan na naman. Mula nung 9 yrs-old pa lamang itong si Nolito, ginawa ng "errand boy" itong si Nolito ni Dumlao.

Sang ayon sa Rules of Engagement, kapag nasa panganib ang buhay ng isang alagad ng batas, meron siyang karapatan na I-neutralize ang suspek. Binaril na niya sa iyan si Nolito at nakahandusay na ito sa lupa. Linapitan pa niya, niluhuran at binaril sa noo. OVERKILL. Makikita sa Medico-Legal report na kinuha ni Mei na may mga "tattooing" sa sugat sa noo ng biktima.

Ito’y sunog sa paligid ng sugat ng biktima kapag ito’y binaril ng malapitan.

Napag-alaman pa ni Mei na may masamang ugali itong si SP02 Dumlao. Mahilig siyang manutok ng baril at magpaputok sa kanilang lugar kapag nalalasing. Ang kabuuan ng kwentong ito, mapapanood ninyo sa episode bukas ng "Isumbong mo kay Tulfo," 6 to 7 p.m. sa RPN 9.

Pinatay ba ni SP02 Dumlao si Nolito Aniel "in cold blood" dahil lasing siya? O talaga bang rumesponde lamang siya.

PARA SA INYONG COMMENTS O REACTIONS, MAARI KAYONG MAG-TEXT SA 09179904918. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA "CALVENTO FILES" 7788442.

Show comments