May mga nagsasabi na ang darating na halalan ang pinaka-marumi sa kasaysayan. Hindi na nakapagtataka yan sapagkat karaniwan na lamang ang problema sa pera, baril at maton kapag sumasapit ang election. Kikilos ang tatlong ito para makakuha ng boto.
Dahil sa pinangangambahang madugo at maruming election may katwiran lamang ang mga public school teachers na humingi ng karagdagang benepisyo sa pamahalaan. Nangangailangan sila ng karagdagang seguridad at mataas na allowance. Iba na nga naman kung nakahanda para hindi maulit ang mga malalagim na trahedya habang nagbabantay sila sa election.
Sa mga nakaraang election karaniwan na lamang na may napapatay na guro dahil sa pagprotekta nila sa mga balota. Aagawin ang ballot box at kapag hindi ibinigay, bang! Ngayong balik sa manu-manong bilangan, ang papel na gagampanan ng mga teachers para sa malinis at maayos na election ay lubhang kailangan.
Nagsisimula na ang pagbabatuhan ng putik at inaasahang lulubha pa habang papalapit nang papalapit ang election. At tiyak din na mayroon nang mabibiktima ng karumihan ng election. Sa pagkakataong dapat namang magkaroon ng pagkakaisa ang mga Pinoy para makamit ang mga malinis at mahusay na election.
Maraming bagay na magagawa upang kahit paanoy magkaroon ng katuparan ang hiling na malinis na election. Halimbawa rito ay ang pagre-report sa mga lalabag sa gun ban, pagmamatyag sa mga taong bumibili ng boto o sa mga taong nananakot na masama ang mangyayari kapag hindi nila ibinoto ang iniindersong kandidato. Labanan ang mga masasama ngayong election. Hindi sila nababagay sa bansang ito.
Nararapat tandaan na ang bawat Pilipino na nagmamahal sa bansa ay gagawin ang kanyang papel para lamang magkaroon ng maayos at malinis na election. Maraming magagawa ang isang nagmamahal na Pilipino.