Sangkatutak na political ads ipagbawal

SANDAMUKAL ang mga ‘‘info commercials’’ sa radyo at telebisyon. Ang mga information materials na ito ay inilalahad ang mga programa ng mga sangay ng gobyerno na sa panahong ito ng eleksyon ay ginagamit na pre-pluging ng kasalukuyang administrasyon para ibando ang mga proyektong laan sa mga mamamayan na kung tutuusin ay siya namang nagbabayad ng mga naturang patalastas dahil ang budget sa paggawa ng mga ads na ito ay buhat sa taxpayer’s money. Napag-alaman na ang isang info commercial ay ginagastusan ng P45 milyon. (Ilan na kayang farm-to-market roads ang naipagawa sa pondong ito na mula sa kaban ng bayan?)

Isang simpatikong hepe ng isang departamento ang palaging laman ng TV. Ang setting niya ay mga pamilihang-bayan. Dahil senatoriable na siya tinigil na ang mga ‘‘pakita’’ sa kanya. Inimbento na rin ang pagpapalabas ng info ads tungkol sa turismo dahil kandidato rin ang endorser nito.

Malaking publicity sa mga kandidato ang info commercials na ipinagbawal alinsunod sa Comelec ban sa mga sobrang ads sa radio at TV. Dapat bigyan ng ngipin ang pagbabawal sa mga sangkatutak na political ads sa panahon ng pangangampanya. Dahil sa katotohanang maraming Pinoy na tsampyon sa pagpapalusot, nagagawa ng ilang kandidato na maging tuso sa diskarte nila. Panay ang exposure nila sa radio at telebisyon. Mabuti sana kung ang lahat ng kandidato ay nabibigyan ng equal exposure. Kung sino ang makapagbabayad ng mataas ay siyang pinapaboran. Pera-pera lang ang laban.

Show comments