Layunin ng kontrata

SINA Mr. at Mrs. Vasquez ay may-ari ng isang rubber manufacturing company.

Ang kanilang anak na si Tessie ay may relasyon sa katrabaho nitong si Sammy. Ang kompanya ay matatagpuan sa isang gusali na may dalawang palapag at ilang pinto ng apartment units na nakasangla sa banko sa halagang P4.8 milyon.

Nang malugi ang negosyo ng pamilya, nasubasta ang gusali kung saan ang banko ang nakabili nito. Bago pa man matapos ang isang taon ng redempsyon, kinausap ni Tessie ang kanyang mga magulang. Ayon sa kanya, matutulungan sila ni Sammy sa pagbawi ng gusali. Pumayag ang mga ito kaya nagkasundo sina Sammy at pamilya Vasquez na ipagbibili nila ang gusali kay Sammy sa halagang P1,380,000.00- isang milyon ang ibabayad sa banko upang mabawi ito at P380,000.00 naman ang direktang ibabayad kina Tessie. Samantala, nagsagawa ang abogado ng pamilya Vasquez ng isang Deed of Absolute Sale. Narehistro ito at nailipat ang titulo sa pangalan ni Sammy. Napagkasunduan din ng mga partido na maninirahan ang pamilya Vasquez sa isang unit ng isang taon at pagkatapos ay magbabayad na ng renta sa susunod na taon.

Dumating ang panahong nagkalabuan na sina Sammy at Tessie hanggang magdesisyong maghiwalay. Di kalaunan ay hiniling ni Sammy sa pamilya Vasquez na lisanin na nito ang apartment. Tumanggi ang pamilya Vasquez at nagsampa sila ng reklamo laban kay Sammy para sa Reformation of the Deed of Absolute Sale at Quieting of Title kasama ang bayad pinsala. Iginiit ng mag-asawa na ang tunay nilang layunin nang isagawa nila ang Absolute Sale ay upang mangutang kaya ang kontrata ay isang sangla o equitable mortgage. Dagdag pa nila na kulang naman daw ang halaga at nanatili naman sila sa pamumusesyon dito. Tama ba ang pamilya Vasquez?

MALI.
Ayon sa artikulo 1359 ng Kodigo Sibil, maaring baguhin ang isang instrumento kapag (1) nagkaroon ng kasunduan ang mga partido; (2) hindi nalahad ang tunay na layunin ng mga ito sa instrumento ; at (3) nagkaroon ng pagkakamali o panlilinlang kaya hindi natupad ang tunay na layunin.

Sa kasong ito, hindi napatunayan ng pamilya Vasquez ang mga elementong ito.

Ang anumang duda sa instrumento ay kinakailangang maresolba laban sa taong gumawa nito, ang abogado ng pamilya Vasquez. Subalit ang kasunduan ng mga partido sa kasong ito ay gumamit ng malinaw at simpleng mga salita kung kaya hindi na kinakailangan pang magkaroon ng panibagong interpretasyon dito (Tuazon vs. Court of Appeals et. Al. G.R. No. 119794 October 3, 2000).

Show comments