Kilala niyo kaya si Elena Sabado? (2)

KARUMAL-DUMAL na pinatay si overseas Filipino worker Elena Sabado sa Espanya. Ginahasa at sinaksak ng 14 na beses. Pinatigil ang imbestigasyon ng pulis-Malaga sa amo na pinaghihinalaang drug lord.

Nanlumo si Joe Robles, Cebuano na pulis-California. Pinutol niya ang bakasyon. Tinungo ang embahada sa Madrid, 10 oras sa bus. Laking gulat niya nang sabihang hindi alam ng opisyales ang krimen. Binalaan pa siyang huwag makialam. Hindi naman daw siya Pilipino kundi Amerikano. Kung magalit ang mga Kastila, masisira ang plano ng libu-libo pang OFW na nais magtrabaho sa Espanya.

Umuwing balisa si Joe sa San Francisco. Nakita niya kung paano mabuhay ang mga kalahi sa ibang bansa. Nu’ng 1993 pa ito nangyari. Makalipas ang dalawang taon, bibitayin naman si Flor Contemplacion sa Singapore. Umakda si Joe ng awit tungkol kay Elena:

Labing-apat na saksak / ang sa dibdib ay tinanggap / Ni Elena Sabado, isang alila / na sa Espanya ay nangarap;

Pagluha niya at pagdaing / di pansin ng gumahasa / Masarap buhay sa Espanya / kung hindi ka Pilipina;

Elena Sabado... / ito ba ang araw mo? / Ikaw na numero’t pangalan lamang / sa mercado ng utusan;

May ilang nakaalam / sa marahas mong pagpanaw / Ni walang makapiyok / wari’y ilag bawat galaw;

Di napansin ng gobyerno / walang alam ang consulado / Walang paki ang Malagenyo / problema mo, problema mo; Turing sa ‘yo Bagong Bayani / ng iyong bayan at kalahi / Ngunit ngayon ika’y inapi / bakit sila pipi’t bingi?

Naglakas-loob mangarap / pamilya mo’y sadyang mahal / Ngunit patay kang uuwi / sa kahon ng balikbayan;

Ilan pa ang tulad mo / sa daang-libong naghihirap / Ilan kaya ang nakarinig... / Labing-apat na saksak.

Kung kilala niyo si Elena o kamag-anak niya, itawag kay Joe Robles sa (+1-415) 694-6475, o kaya’y lumiham sa jariusbondoc@workmail.com.

Show comments