Sinabi ng Asalam Moro Party list group na ang bansa natin ay umatras na naman ng ilang milya dahil sa desisyon ng Supreme Court. Sinabi nila na sa pagbabalik sa manual counting, hindi nalalayo na magkaroon na naman ng dayaan at ang magiging kawawa ay ang mga maliliit na kandidato na walang kayang magbayad tulad ng mga poll watchers. Kung sabagay, mahigit 50 years na tayong gumagamit ng manual counting at hindi pa kaya nagsawa ang mga opisyales ng gobyerno at politicians natin sa makalumang pamamaraan? Tanong ng Asalam Party list group. Aba, me punto rito ang Asalam Party list, di ba mga suki? Bat pa tayo babalik sa old age eh nakarating na nga ang Spirit at Opportunity sa Mars? He-he-he! Habang ang ibang bansa ay pasulong, tayo naman ay paurong dahil sa desisyon ng SC, di ba mga suki?
Maliban sa Asalam Party list group, ang iba pang samahan at grupo na sasabak sa kalye sa linggong ito ay ang ASAP, MakaBansa, Alyansa ng Sambayanan Para sa Pagbabago at Mamamayang Kabalikat sa Bansa. Ayon sa kanila, may pag-asa pa na magbago ang isip ng ilang Hukom dahil sa dissenting opinion nina Chief Justice Hilario Davide at Justice Dante Tinga kung saan pinaboran nila ang kontrata na pinasok ng Commission on Election sa poll automation nga. Ayon kay ASAP chairman lawyer Ernesto Arellano ang decision ng SC ay "beyond the legislative boundaries and that the High Court should merely interpret the law." Ayon naman kay pro-automation councilor Joel Badong ng Baao, Camarines Sur, sa pagbabalik natin sa manual counting ang tiyak lang niyan ay magkakaroon na naman ng maraming anomalya tulad ng dagdag-bawas na mahirap pigilin. Kung ang mga nakaraang elections ay madugo, tinitiyak din ni Badong na mas lalong magiging magulo ang darating na elections dahil sa kasalukuyang political at lumalalang peace and order situation ng bansa. Hay naku! Ang gulo talaga no?
Pero hindi nawawalan ng pag-asa ang mga grupong pabor sa automation. Sa tingin nila, sa pamamagitan ng kanilang kilos-protesta, mabubuksan nila ang isipan ng ating mga Hurado at baligtarin ang kanilang desisyon tungo sa automation ng nalalapit na elections. Kung sabagay, nag-file na ang Comelec ng motion for reconsideration sa kaso. Magkita-kita tayo sa kalye sa susunod na mga araw!