Pinakabagong kontrobersiya na kinasasangkutan ng Customs ay ang pagpupuslit ng 19 refrigerated container vans na may lamang dressed chicken sa Batangas City port noong Biyernes. Galing sa Kaoshiung., Taiwan ang manok at nagkakalahaga ng P50 milyon. Ang mga container vans ay nailabas sa kabila na may hold-order mula sa National Meat Inspection Commission (NMIC) at ng Department of Agriculture. Limang van pa lamang ang nare-recover.
Hindi na nakagigimbal kung magkaroon man nang panay na panay na katiwalian sa Customs gaya ng chicken smuggling. Sanay na ang taumbayan sa mga kawatan sa nasabing ahensiya. Ang masaklap dito, baka infected ng bird flu ang mga ipinuslit na manok. Ang pinanggalingang Taiwan ay isa sa mga Asian nations na tinamaan ng nakamamatay na bird flu. Bukod sa Taiwan, poultry infected din ang mga bansang Thailand, Cambodia, Japan at South Korea. Ipinagbawal na ng Philippine government ang chicken imports mula sa mga nabanggit na bansa.
Natunugan ng Anti-Smuggling Intelligence and Investigation Center (ASIIC) ng Department of Agriculture ang nasabing shipments at ipinagbigay-alam na sa mga opisyal ng Customs sa Batangas City. Kailangan itong i-hold muna para ma-inspection. Pero nadismaya ang AIIC nang malamang na-released na ang 19 vans na hindi na dumaan sa quarantine clearance.
Nakatatakot kung sa pagsusuri ay lumitaw na infected ang mga manok na galing Taiwan. Paano kung naipamahagi na ang laman ng 14 pang container vans sa mga palengke sa Pilipinas? Dapat kumilos ang awtoridad para malaman kung saang lugar dinala ang mga manok at nang maisailalim sa pagsusuri. Ipakita naman ni Customs Commissioner Antonio Bernardo na may natitira pang kredibilidad ang kanyang tanggapan sa pamamagitan ng mabilis na pagsisiyasat sa mga taong pumayag mailabas ang mga van ng manok. Ipakita ni Bernardo na hindi pa sagad ang putik na nakakulapol sa kanyang tanggapan.
Kung madadakma ni Bernardo ang mga tauhan niyang halimaw, ipatapon sa Thailand, Taiwan, o Vietnam para doon sila makakain ng manok na may bird flu.