Ngunit ang mga advocate ng disqualification ay nagmamatigas at ayaw sumuko. Kahapon din, matapos nagpalabas ng ruling ang COMELEC na wala itong masilip na dahilan para diskuwalipikahin si FPJ, ang pagkuwestyon sa citizenship ng aktor ay isinampa sa Korte Suprema.
Isang 18-pahinang petisyon kaugnay nito ang iniharap sa Korte nina Atty. Ma. Janette Tecson at Atty. Felix Desiderio. Totoo na kahit sinong mamamayan ay may karapatang kuwestyonin ang pagkatao ng isang tumatakbo for public office. Karapatan ng bawat Pilipino na siguruhin na ang mga naluluklok sa mataas na puwesto ay yaon lamang karapat-dapat. Ganyan ang diwa ng demokrasya.
Ngunit paanong malalaman kung ang reklamo laban sa isang kandidato ay nanggagaling sa nagmamalasakit na taumbayan at hindi lang isang paninira ng mga katunggali sa politika? At sino sa mga malalakas na katunggali ni FPJ ang nagpapasimuno ng demolisyon? Si Presidente Gloria o si Senador Lacson? Siguroy ibase natin ang konklusyon sa kung sino ang higit na makikinabang sa sandaling ma-itsa puwera si FPJ sa eleksyon.
Kaya sa palagay ko, tamang idulog sa Mataas na Hukuman ang isyung ito para tuluyan nang maresolba. Kung ipapahayag ng Korte na si FPJ ay tunay na Pilipino o hindi, ang desisyon ay dapat igalang. At sa sandaling mag-ruling ang Mataas na Korte, dapat na ring tumigil yung mga kumukuwestyon sa pagkamamamayan ni FPJ, concerned citizen man o mga politikong gumagawa ng demolition job. Kung puro bangayan sa pulitika ang mangyayari, wala nang kahihinatnang mabuti ang ating Inambayan.
Sana, sana lang, ikonsidera natin ang paghalal ng isang Pangulong tunay na maka-Diyos. Hindi gumagawa ng dirty tricks, hindi naninira at malinis kung lumaban dahil ang lakas ay galing sa itaas. God bless Bro. Eddie!