Sa isang tingin iisipin mon ang balangkinitan, maputi at maamong anyo ng babaeng ito ay hindi kakayanin ang gabundok na trabaho at responsibilidad bilang pinuno ng Public Attorneys Office, sa ilalim ng Department of Justice.
NAGKAROON ng ugnayan dati ang aking programang "CALVENTO FILES" sa telebisyon at radyo at ang Public Attorneys Office (PAO) nung kapanahunan ni Atty. Reynaldo Fajardo. Si Atty. Fajardo ay isang "soft-spoken, mild-mannered, intelligent at educated" na tao. Pagdating sa larangan ng pagtatanggol sa ating mga kababayan na salat sa pera, subalit kailangan ng hustisya, isa siyang tigre na handang sumakmal ng mga mapang-abuso at mga mapang-aping tao.
Nagretiro na si Atty. Fajardo. Meron na mga ibang pumalit sa kanyang pwesto. Pagkatapos ng EDSA DOS, nahirang si Atty. Acosta bilang pinuno ng PAO. Mga kaibigan, ang PAO po ay mga abogado na inilaan ang kanilang serbisyo para sa mga mamamayan na hindi kayang magbayad ng mamahaling abogado. Hindi ibig sabihin dahil libre ang kanilang serbisyo ay "inferior" ang ibinibigay nilang trabaho sa bawat kasong hinahawakan nila.
Marami kasing miembro dito ang kaga-graduate pa lamang sa mga law schools at ang hanap nila ay mahasa ng mabuti ang kanilang kakayanan at experience sa larangan ng Criminal Law.
Itong mga nakaraang araw, ipinakita ni Atty Acosta ang kanyang kakayahan, ng walang tigil niyang ipinaglaban na hindi dapat ipagpatuloy ang pag-execute sa dalawang convicts na sina Roberto Lara at Roderick Licayan. May mga naglabasan kasing testimonya galing sa dalawang taong sangkot sa krimen na kidnapping kung saan nasabit ang dalawang ito, lalo na si Lara. Sinasabi nila na walang kasalanan si Lara.
Kung tutuusin mo, nagbigay ng pahayag si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na tuloy ang bitay nitong dalawa sa Enero 31 ng taong ito. Mariing sinabi pa ni PGMA na maski na ang Santo Papa ay hindi kayang hintuin ang "execution date" ni Lara at Licuyan.
Si Atty Persida Rueda-Acosta ay nasa ilalim ng Department of Justice.
Ang Secretary of Justice ay inappoint ng Presidente at kung mahina-hina ang dibdib mo, bilang PAO Chief, hahayaan mo na lang mangyari ang mga bagay-bagay. Baka mawalan ka pa ng trabaho sa gobierno.
Ngunit, iba itong si Atty Acosta. Naging "visible at vocal" siya na dapat munang ipagpaliban ang execution dahil sa mga bagong ebidensya. Pati ang Korte suprema ay inalog niya. Naglabasan ang mga artikulo sa ibat ibang pahayagan, telebisyon at radyo tungkol sa pagtutol nitong "feisty PAO chief" sa kamatayan ni Lara "through lethal injection."
Hindi malayo siya sa character nung abogado sa pelikula na ginanapan ni Sean Penn sa "DEAD MAN WALKING.."
Nagbunga ang lahat ng pagpapakapagod ni Atty Acosta, dahil ito lamang nakaraang araw, naglabas ang Korte Suprema ng desisyon na kinakatigan at binibigyan ng konsiderasyon ang mga bagong ebidensya upang magkaroon ng mga "oral arguments" bago ipagpatuloy ang hatol na kamatayan.
Itoy isang malaking tagumpay para sa ating hustisya. Lalung-lalo na kay Atty Persida Acosta na hindi nawalan ng pag-asang ipaglaban ang lahat hanggang sa mga huling araw. Kung hindi dahil sa pagsisikap niya, pati na rin ng Public Attorneys Office, walong (8) araw na lamang ang ilalabi nitong si Lara at Licuyan sa mundong ito.
Nais ko ring linawin na hindi ito ibig sabihin na ina-abswelto na Korte Suprema ang dalawang "condemned men" subalit ang pagbibigay daan para dinggin ang mga "oral arguments" ay maaring magresulta sa pagbabago ng desisyon ng pinakamataas na hukuman sa ating bayan.
Personally, dahil na rin sa lumalalang kalagayan ng Peace and Order sa ating bayan, hinihingi ng panahon na patawan ng kaparusahang kamatayan ang mga nagkasala ng mga mabibigat na krimen, Nagkaroon ng "moratorium" nung kapanahunan ni Erap Estrada, napilitan naman si PGMA na I-lift ang moratorium na ito. Ang Death Penalty ay nakasaad sa ating Constitution subalit nakakabit dito na dapat ito ay "beyond reasonable doubt."
Ang hindi nahinto ng Santo Papa sa Roma, nagawang ihinto ni Atty Persida Rueda-Acosta ng Padre Faura.
PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS, MAARI KAYONG TUMAWAG SA "CALVENTO FILES" 7788442. MAAARI DIN KAYONG MAG-TEXT SA O917-9904918. MAAARI DIN KAYONG MAG-EMAIL SA tocal13@yahoo.com.