Teka nga muna, sino ba ang nakinabang sa pagkilala ng Comelec? Di bat si Lacson, na puwede na ngayong makihati kay FPJ sa mga kopya ng election returns? Kaya nga dinala ni LDP chairman Ed Angara ang kaso sa Korte Suprema, dahil ayaw niyang mabawasan ang mga kopya ng kakamping FPJ. Kung ganun, di bat si Lacson dapat ang akusahan ng paghimas sa Comelec, kung may pruweba man?
At tingnan ang pagbotong 5-2 ng pitong commissioners. Sina Rufino Javier, Ralph Lantion, Luz Tancangco, Mehol Sadain at Resurrecion Borra ang bumoto para kay Lacson. Sina Ben Abalos at Florentino Tuason ang kontra. Di bat apat sa lima ay hinirang sa Comelec ni Erap Estrada nung presidente pa siya at PAOCTF chief si Lacson? Kanino ba kampi si Erap, kundi kay FPJ at Lacson?
At di ba winawasiwas ng oposisyon ang huling survey kung saan nangungulelat daw si GMA kina FPJ, Raul Roco at Lacson? Kung ganun, e di si Roco ang mas papaboran ng pagkahati nina FPJ at Lacson.
Ganun din ang istorya sa pakanang No-El (no election). Binalaan agad ng oposisyon na magkakagulo kung hindi ituloy ng administrasyon ang eleksiyon. Pero hindi naman Malacañang ang may pakulo ng plano. Nangunguna sa mga pumirma sa manifesto, na ipagpaliban ang halalan at iupo muna ang militar, si Linda Montayre. Si Montayre ay matinding kritiko ni GMA. Kaalyado nito si Juan Ponce Enrile, na nasa senatorial ticket ni FPJ. Pero pinaandar naman agad ng media ang pagbibintang sa Malacañang. Bakit sa administrasyon ibinibintang ang ginagawa ng mga kalaban nito? Hindi ba ito propaganda?
Okay lang kung nais kumampi ng mga taga-media sa kung sinong kandidato. Pero diretsong balita sana ang ilahad, hindi haka-haka.