EDITORYAL - Lung cancer banta sa buhay ng Pinoy

NOON pang nakaraang taon inaprubahan ng Kongreso ang anti-smoking law subalit nakalulungkot isipin na hanggang sa kasalukuyan, hindi pa ito naiimplement. Walang ngipin ang batas sa bansang ito o kung may ngipin man, purol.

Patuloy ang pag-aadvertise sa TV, diyaryo, radyo ng mga sigarilyo. Patuloy na nanghihikayat sa marami na manigarilyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pakontest na milyong piso ang mapapanalunan at ang iba naman ay magagarang kotse o bahay. Hindi kataka-taka na marami ang naaakit sa promotion at pati mga nasa edad siyam pataas ay natututo nang manigarilyo. Ningas-kugon naman ang pagbabawal manigarilyo sa publikong lugar, tanggapan, school, bus, dyipni at iba pa. Sa simula lamang naghihigpit subalit makalipas ang ilang araw, balik sa dating ugali.

Ayon sa Department of Health (DOH) 55 Pilipino ang namamatay araw-araw dahil sa lung cancer. Gumagastos ang pamahalaan ng P46 bilyon taun-taon para sa treatment ng cancer. Napakalaking halaga nito na napupunta lamang sa sakit na nakukuha sa sigarilyo. Maaari namang maiwasan ang sakit kung magkakaroon lamang ng tamang impormasyon ang taumbayan. Kung ganap na maiiwasan ang lung cancer, wala nang perang masasayang at mailalaan naman sa iba pang pangangailangan ng taumbayan.

Sinabi ng isang oncologist sa Philippine General Hospital na ang lalaking smoker ay kumukunsumo ng 26 sticks sa isang araw samantalang ang babaing smokers ay kumukunsumo naman ng pitong sticks. Ayon pa sa doctor ang isang stick ay may 2,000 iba’t ibang kemikal. Nangunguna rito ang tar na dahilan kung kaya nagiging sugapa o addict ang smoker; nicotine, dahilan kung bakit nangingitim ang mga labi; DDP na isang uri ng insecticide; asphalt, formaldehyde, vinlchloride, carbon monoxide, benzo at napakarami pang iba.

Pabata nang pabata ang mga naninigarilyo at isang palatandaan ito na kulang pa sa impormasyon ang taumbayan kung kaya nalululong sa paninigarilyo. Kakatwang hindi matapatan ng DOH ang mga advertisement ng cigarette company. Bago pa man makapagbabala ang DOH, naisaksak na sa isipan ng mga cigarette manufacturer na walang masama sa paninigarilyo at bagkus ay nagbibigay pa nga ng mga grasya, kung sasali sa kanilang promo. At ang Pinoy ay mabilis maakit lalo pa nga at milyon ang premyo. Sa dami ng mga nangangarap yumaman, marami ang nahihikayat. Kaya hindi sila titigil sa paninigarilyo. Magkaroon na sana ng ngipin ang anti-smoking bill.

Show comments