Isang buwan o bago pa man ang pagtatapos ng paupa, nabili ni Mr. De Leon mula sa Land Bank ang nasabing lupa at gusali sa halagang P20, 170,000 sa subasta. Samantala, nang matapos na ang kontrata ng paupa, hiniling ni Mr. de Leon bilang bagong may-ari na lisanin na agad ng kooperatiba ang lugar at ibalik sa kanya ang pamumusesyon dito. Subalit tumanggi ang kooperatiba dahi nakabinbin pa ang kaso nilang annulment of sale with damages laban kay Mr. de Leon dahil sa paglabag nito sa kanilang pre-emptive right na bilhin ang lupang kanilang inuupahan.
Kaya, noong Pebreo 23, 1995, nagsampa ng kasong ejectment sa Metropolitan Trial Court (MTC) si Mr. De Leon para sa ipataw nito ang P5,000 na multa kada araw. Pinaboran ng MTC si Mr. De Leon at inatasan ang kooperatiba na lisanin ang lugar, magbayad ng multang P5,000 kada araw ng pag-antala ng pagbabaik ng pamumusesyon sa lupa at buwanang renta na P30,000 mula 1996 hanggang malisan ang lugar. Kinumpirma ito ng Regional Trial Court subalit sa Court of Appeals, binawasan ang multa mula P5,000 sa P1,000 na lamang kada araw.
Kinuwestiyon ni Mr. De Leon ang desisyon ng Court of Appeals. Iginiit niyang walang kapangyarihan ang CA na bawasan ang multa na iginawad na ng RTC batay na rin sa napagkasunduan ng mga partido. Tama ba si Mr. de Leon?
MALI. Ayon sa Artikulo 1229 ng Kodigo Sibil, maaaring bawasan ng Korte ang napagkasunduang multa kung ito ay labis o sadyang napakataas. Nakasalalay ang isyung ito sa Korte at nakadepende rin ito sa layunin ng multa, ang klase ng obligasyon, paraan ng paglabag at ang kinalabasan nito, status at relasyon ng mga partido.
Sa kasong ito, ang napagkasunduang multa ay P5,000 kada araw ng pag-antala o P150,000 kada buwan, limang beses na mas mataas kaysa sa P30,000 na buwanang renta. Masasabing ang multang ito ay labis-labis at hindi makatarungan dahil hindi ito makakayang bayaran ng isang kooperatiba na kinabibilangan ng mga magsasaka na kumikita lamang ng maliit na halaga. Kaya, ang CA ay hindi nagkamali sa pagpataw ng mas mababang multa na P1,000 (Lo vs. CA et. G.R. 14134 September 23, 2003).