Sa panig naman ng mga gambling lords, iniipon nila ang hindi nakolektang intelihensiya ng NCRPO. Handa naman silang iabot ang naturang halaga sa sinumang mapalad na nilalang na bigyan ng basbas ng opisina ni De Leon kahit umabot pa ng ilang buwan ang pakulo nga nila. Kaya naman pala ipina-hold ang koleksiyon ng NCRPO ay dahil magulo ito. Baka plantsahin muna ng NCRPO para maging tahimik na ang kalakaran at walang baho na maamoy ang sambayanan. Ika nga kung walang nag-iingay tuluy-tuloy ang ligaya ang mga opisyales ng NCRPO pati na ang mga kolektor at kanilang mga amo. Get nyo mga suki? He-he-he! Tulad ng ipinangako ko, magsisilbi tayong mata ni De Leon para makarating sa kanya ang mga tiwaling opisyal na gumagamit ng pangalan niya.
Para naman sa kaalaman ni Gen. Ebdane, eh biglang nagbukasan na ang jueteng sa Region 1, 3 and 4 nitong Linggo. Ibig bang sabihin nito nahimasmasan na si Ebdane o yumuko na rin siya sa sobrang lakas ng padrino ng mga jueteng lords? Tulad ni Interior Secretary Joey Lina, umurong din kaya ang bayag ni Ebdane sa kampanya niya sa jueteng? Kung sabagay, dalawang linggo lang nagulo ang operation ng mga jueteng lords sa kampanya ni Ebdane di tulad ni Lina na umabot sa halos isang taon ang pagdurusa nila, he-he-he! Mabuti pa ang mga pelikula ni Fernando Poe Jr., palaging maganda ang ending, eh itong jueteng campaign ng goberno natin, laging bitin. Ano ba yan?
Pero marami rin ang nakikinabang sa jueteng campaign ni Ebdane. Tulad na lang ni Gene Lopez ng RISOO. Sinamantala niya ang kahigpitan ng kampanya sa illegal gambling para manghingi ng abot langit na intelihensiya sa mga gambling lords sa Metro Manila.
Ang isa sa mga nilapitan ni Lopez ay ang racehorse bookies king ng Maynila na si Oscar Simbulan alyas Boy Abang. Ayon sa Manilas Finest, handang magbigay ng P50,000 kada linggo si Boy Abang pero P150,000 naman ang iginigiit ni Lopez. Anong say ni Gen. De Leon dito kay Lopez?