Patunay ni Juan Bautista sa sarili

TIYAK na si Juan Bautista ay hindi ang Mesias. Kung kaya nang ang mga saserdote at mga Levita ay nagtanong sa kanya kung siya nga, siya ay nagpatotoo kung sino siya (Juan 1:19-28).

Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. "Kung gayo’y sino ka?" tanong nila. "Ikaw ba si Elias?" "Hindi po," sagot ni Juan. "Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?" "Hindi po." "Sino ka kung gayon? Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?" Sumagot si Juan, "Ako Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!"(Si Propeta Isaias ang maysabi nito.)

"Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, "Bakit ka nagbabautismo, hindi pala naman ikaw ang Mesias, ni si Elias, ni ang Propeta?" Sumagot siya, "Ako’y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang sumunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak."


Nang tanungin siya tungkol sa kanyang pagkatao, ni hindi man lamang binanggit ni Juan si Elias o ang iba pang mga propeta. Siya ang tinig. Ipahahayag niya ang pagdating ni Jesus.

Sa ating misyon bilang mga Kristiyano, nawa’y siguruhin natin na si Jesus at ang kanyang paghahari ang ating ipinahahayag.

Show comments