Tanong na dapat namang sagutin: Hindi bat ang mga traditional politicians ang nambobobo sa masa? Abay sila itong nagdadala ng mga artista sa campaign rallies para makahakot ng audience. Sila itong pakanta-kanta at pasayaw-sayaw sa entablado imbis na maglahad ng programa para sa kaunlaran ng taumbayan. At kung nanalo na, sila itong walang tinutupad na pangako at pagpapayaman lang sa kurakot ang inaatupag.
Tanong din sa showbiz celebrities: Ginagamit lang ba nila ang kasikatan para maiboto? Marami sa kanila, walang taglay na isyu sa kandidatura. Dinadaan lang nila sa pa-charming, kodakan ng litrato, at paghalik sa mga fans. Sinasabi nila na nais nilang magsilbi, pero hindi naman masagot kung usisain kung sa anong paraan.
Totoong ang eleksiyon ay labanan ng personalidad. Kasi, bukod sa tunggalian ng party list para sa Kongreso, ang pinagpipilian ay mga indibidwal at hindi partido.
Pero ang pagboto ay batay dapat sa plataporma ng personalidad, hindi sa kanyang popularidad o pagka-guwapo o kahusayan sa pelikula. Diyan malilinang ang bigas sa ipa, ang matino sa manggagantso. Sa tamang pagboto, dapat ibasura ang mga "trapo" na nanggagamit lang sa botante para magpayaman, at ang celebrity na nanggagamit lang ng kasikatan para magka-poder.
Huwag tayong magpadala sa kisig ng kandidatong artista, lalo na kung nagpapagamit lang siya sa "trapo." Huwag din tayong padala sa matatamis na pangako ng "trapo," lalo na kung subok na siyang palpak.