^

PSN Opinyon

Eh ano kung artista?

SAPOL - Jarius Bondoc -
KUMALAT kamakailan ang text message: "Umamin ka: Kung pipili ka kina FPJ at Noli boy bilang Presidente, saang bansa ka lilipat ng tirahan?" Kasabay noon, siniraan ng ilang pulitiko sa radyo at telebisyon ang mga kandidatong artista at media celebrity. Kesyo binobobo raw ng taga-showbiz ang botante dahil dinadaan nila sa popularidad kaysa plataporma.

Tanong na dapat namang sagutin: Hindi ba’t ang mga traditional politicians ang nambobobo sa masa? Aba’y sila itong nagdadala ng mga artista sa campaign rallies para makahakot ng audience. Sila itong pakanta-kanta at pasayaw-sayaw sa entablado imbis na maglahad ng programa para sa kaunlaran ng taumbayan. At kung nanalo na, sila itong walang tinutupad na pangako at pagpapayaman lang sa kurakot ang inaatupag.

Tanong din sa showbiz celebrities: Ginagamit lang ba nila ang kasikatan para maiboto? Marami sa kanila, walang taglay na isyu sa kandidatura. Dinadaan lang nila sa pa-charming, kodakan ng litrato, at paghalik sa mga fans. Sinasabi nila na nais nilang magsilbi, pero hindi naman masagot kung usisain kung sa anong paraan.

Totoong ang eleksiyon ay labanan ng personalidad. Kasi, bukod sa tunggalian ng party list para sa Kongreso, ang pinagpipilian ay mga indibidwal at hindi partido.

Pero ang pagboto ay batay dapat sa plataporma ng personalidad, hindi sa kanyang popularidad o pagka-guwapo o kahusayan sa pelikula. Diyan malilinang ang bigas sa ipa, ang matino sa manggagantso. Sa tamang pagboto, dapat ibasura ang mga "trapo" na nanggagamit lang sa botante para magpayaman, at ang celebrity na nanggagamit lang ng kasikatan para magka-poder.

Huwag tayong magpadala sa kisig ng kandidatong artista, lalo na kung nagpapagamit lang siya sa "trapo." Huwag din tayong padala sa matatamis na pangako ng "trapo," lalo na kung subok na siyang palpak.
* * *
Abangan: Sapol ni Jarius Bondoc, Sabado, 8 a.m., sa DWIZ (882-AM).

ABANGAN

DINADAAN

DIYAN

GINAGAMIT

HUWAG

JARIUS BONDOC

KASABAY

KASI

TANONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with