Marami ang hindi naniniwala na seryoso si Ebdane sa jueteng

KUNG ang pulisya natin ang paniniwalaan, halos 88 porsiyento na ng jueteng sa buong bansa ay sarado na matapos ang isang linggo na ipinatupad ni PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. ang kampanya niya. Ibig sabihin, may 12 porsiyento pang bukas at ang tanong sa ngayon, ano ang ginagawa ng pulisya para mapasara sila? Bakit wala tayong nabalitaan na malawakang raid sa jueteng tulad ng mga unang araw ng palpak na kampanya noon ni Interior Secretary Joey Lina? At dahil patuloy naman ang pagkubra ng taya sa jueteng sa kalye, hindi naniniwala ang sambayanan na seryoso si Ebdane sa kampanya niya sa jueteng nga, he-he-he! Makukonsensiya ba niyang gutumin ang kapwa Pilipino sa Kapaskuhan? Sa elections ang kasagutan nila Gen. Ebdane Sir.

Maging nang mag-umpisa ang kampanya ni Ebdane sa jueteng ay wala ring tinatawag nating ‘‘big bang.’’ Bigla lang itong ikinasa at maraming nagulat dahil wala namang nangyaring hulihan. Hindi tulad noong kampanya ni Lina na halos buwan ang binilang ng hulihan bago tumanggap na muli ng intelihensiya ang Task Force Jericho niya. Kaya pala tahimik at walang galawan eh kinausap pala ng PNP officials natin ang mga gambling lords na magsara muna at huwag nang umimik sa pangambang hahaba pa ang isyu. Pero mautak din ang mga pulitiko natin. Nakaisip sila ng libreng media mileage at sinakyan ang jueteng campaign ni Ebdane, kaya’t hanggang sa ngayon panay depensa pa ng PNP natin, he-he-he! di baleng humaba ang isyu, wala namang hulihan eh, di ba mga suki?

Noong kapanahunan ni Lina, abot langit ang nerbiyos ng mga kubrador habang nangongolekta sila ng taya dahil baka ma-hulidap sila ng kapulisan natin. Pero sa ngayon, anang Manila’s Finest na nakausap ko, nakangiti pa ang mga kubrador at nakabilad ang kanilang papelitos habang nangungubra ng taya. Hindi inaalintana ng mga kubrador ang jueteng campaign ni Ebdane. Bakit? Dahil alam nila na walang hulihan na mangyayari dahil patuloy din namang tumatanggap ng lingguhang intelihensiya ang mga operating units ng PNP natin tulad ng NCRPO. Patago nga lang at walang puwersahan o abot-langit na mga hirit sa ngayon, he-he-he! Wala rin palang pagbabago, no mga suki?

Sa tingin naman ng Manila’s Finest, ang "one strike’’ policy ni Ebdane ay nakalinya para sibakin sa puwesto ang mga matataas na opisyal ng PNP natin na hindi kaalyado ng Palasyo at kampo niya. Kaya hindi tayo magtataka kung sa darating na mga araw ay magsasagawa ng biglaang pagsalakay ang kampo ni Ebdane at ang unang masampol ay ang director ng probinsiya na ang mga pulitiko ay hindi kaalyado ng Palasyo. Kailangan kasing iupo ang mga bagong director para kontrolado ng pulisya ang ‘‘pandaraya’’ sa darating na May elections? He-he-he! Maraming katanungan pala sa jueteng campaign ni Ebdane, no mga suki? Ang naatasan naman ni Ebdane para isulong ang kanyang ‘‘one strike’’ policy ay ang CIDG at intelligence group ng PNP. Paano nila maisagawa ang trabaho nila Gen. Ebdane Sir, eh may tinatanggap din silang lingguhang intelihensiya sa mga gambling lords? Abangan!

Show comments