Ngayon ay December 31 na naman at tiyak na mayroon na namang madidisgrasya. Marami na namang "makakati ang daliri" sa gatilyo ang magsasabog ng lagim. Mayroon na namang dugong aagos dahil sa mga gutom na magpapaputok ng kanilang baril. Wala na namang kinatatakutan sapagkat masyadong malambot ang batas. Sa kabila na may kampanya ang Philippine National Police (PNP) na ipinagbabawal ang pagpapaputok, balewala rin. Paanoy mga "bugok" na miyembro rin ng PNP ang mga "trigger happy". Sa kabila na nilalagyan ng plaster ang mga bunganga (muzzles) ng baril, wala ring mangyari.
Ang paglalagay ng tape sa muzzles ng baril ay isinasagawa sa buong bansa, ayon sa direktiba ng PNP pero gaano nakasisiguro na kanila naman itong naiinspeksiyon nang maayos pagkaraan ng New Year. Hindi kaya pagkaraang Bagong Taon ay malimutan na ang kautusan at siyempre maaari nang tanggalin ang mga tape lalo pa nga at nasa red alert sila. Mas mainam kung inspeksiyunin munang mabuti ng mga hepe ng pulisya ang bawat baril ng kanilang mga miyembro bago mag-bagong taon at pagkalipas ay ganito rin ang kanilang gawin.
Maaari rin namang makipag-ugnayan ang pulisya sa bawat barangay upang ma-monitor ang mga magpapaputok ng baril. Mas maganda kung maglalagay ng "hotlines" sa bawat barangay at irereport ang mga gagawing pagpapaputok ng baril.
Sa lahat ng ito, ang pakikipag-cooperate ng publiko sa mga awtoridad ay mahalaga. Maging alerto ang lahat sa mga "trigger happy" at agad silang ireport sa pulis. Huwag nang hayaang maganap ang mga madudugong pangyayari na nabahiran ng dugo ang pagsalubong sa Bagong Taon. Nararapat din namang mag-ingat sa mga ipinagbabawal na paputok na ngayon ay lantaran nang ipinagbibili sa mga bangketa.
Sanay maging Masagana at Ligtas ang Bagong Taon sa lahat!