Nung una pa lamang niyang sinabing pinag-iisipan niyang tatakbo siyang Presidente dahil una siya sa mga surveys, alam ko nang wala namang balak itong Senador na ito na tumakbo bilang presidente. Nagbigay ako ng halimbawa ng mga politiko na nagpapa-ugong na tatakbo bilang Presidente, Senador, Mayor, Governor o Congressman subalit wala naman talaga itong balak kundi kumuha ng atensyon at magpa-areglo. Sana naman hindi ganun ang nangyari kay De Castro. Hindi naman siguro.
Kung ang pagbabasehan ay ang popularity ratings ng isang kandidato pagdating sa kanyang "win ability" lalabas na si FPJ at si De Castro ang magiging pinuno ng ating bayan mula 2004 hanggang 2010. dalawang taga showbiz. Dalawang produkto ng media. Isang sa Pelikula at isa naman sa Telebisyon.
Hilaw pa si Noli De Castro para sa isang posisyon na Bise-Presidente. Inuulit ko, bilang senador, what significant achievement has this gentleman from ABS-CBN contribute to the good of our nation?
Sa galing, aba kakain ito ng alikabok kay Senator Loren Legarda.
Kay Bayani Fernando, kay Robert Barbers.
Kadalasan ang Bise Presidente ng ating bayan ang siya ring ina-appoint bilang Secretary of Foreign Affairs. Kaya ba ni Noli De Castro ang papel na ginampanan ni Ka Blas Ople?
Si Noli de Castro ay hinubog, inaruga, sinuportahan ng mga pamilya Lopez. Ang Pamilyang ito ang may-ari ng Meralco. Sa tingin niyo ba dahil sa laki ng utang na loob ni De Castro sa mga Lopezes, hahadlang ito sa pagtaas ng singil ng kuryente na siyang nagpapahirap sa ating bayan. Mag-isip-isip naman kayo! Gusto kong marinig kay De Castro kung ano ang maari niyang itulong sa mga mamamayan upang hindi magkandakuba sa kababayad ng presyo ng kuryente.
Nagkaroon nga ba ng "special arrangement" na ibibigay ng mga Lopezes si Noli De Castro "on a silver platter" kapalit ang pag-apruba ng pagtaas ng singil ng kuryente sa 2004? Talagang wala bang magawa ang presidente GMA sa price hike ng Meralco? Wala nga kung pinupuntirya niya na maging running-mate si De Castro na lampas hanggang langit ang loyalty sa mga Lopezes. Itong isyung ito ang hahatak sa inyo pababa at maaring ikatalo niyo sa eleksyon. Madarama ng taong bayan ang hirap ng pagtaas ng kuryente. Susunod nito ay ang iba pang pagtaas ng mga bayaran ni Juan.
Kaya ba ni De Castro ang papelan ang maging Anti- Crime Czar, na ginawa ni dating Presidente Fidel Valdez Ramos kay Erap Estrada nung kanyang termino. Nasa itsura ni De Castro ba ang tumugis ng mga kriminal, sindikato at magpanatili ng peace and order sa ating bayan. O mas kaya nitong magpapogi na lamang sa harap ng kamera?
Dalawa ang pinagpipilian ni PGMA na maari niyang maging Bise-Presidente sa 2004 elections. Si De Castro at si Senator Robert Barbers.
Kung performance at galing ang pag-uusapan at hindi mga surveys o popularity, mas maraming magagawang kabutihan para sa ating bayan si Senator Robert Barbers.
May nagtatanong nga pala, sino ba si William Leary, isang Supervising Producer ng Viva Films sa buhay ni WPD Elmer Jamias? Si William ay naging ano mo, Elmer? Ang tinaguriang Barako ng Maynila.
PARA SA ANUMAN COMMENTS O REACTIONS, MAAARI KAYONG MAG-TEXT SA 09179904918. MAAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA "CALVENTO FILES" 7788442.