Mukhang hindi sila marunong magsindi. O baka naman talagang palpak ang pagkakagawa ng mga paputok. May dalawa lang marahil na lumipad at pumutok sa itaas. Pero ang karamihay sumabog bago pa man makalipad.
Nasindak ako nang ang isa sa kanilang sinindihan ay lumipad lamang ng limang metro at agad bumagsak dalawang piye lang siguro ang layo sa isang inang naglalakad na akay-akay ang maliit na anak. Sa lupa pumutok ang kwitis. Mabutit hindi tinamaan ang mag-ina.
Mabilis na nagpulasan ang mga kalalakihan. Maging silay ninerbiyos sa pangyayari. Paano kung sa ulo ng ina o ng anak sumabog ito. Eh di naragdagan na naman ang casualty ng mga rebentador di pa man sumasapit ang Bagong Taon? Hindi pa man dumarating ang Bagong Taon ay marami nang naitalang biktima ng rebentador.
Imbensyon ng mga Chinese ang rebentador. Nakaugalian na ang firecracker festivities kapag maghihiwalay ang taon. Pantaboy daw ng kamalasan ng papasok na taon. Pero taun-taon, wala namang suwerteng ibinubunga ito. Bagkus, puro kamalasan sa mga taong napuputulan ng kamay at namamatay dahil sa paputok.
Kung ako lang ang masusunod, mas gugustuhin ko ang total ban sa rebentador na malalakas at maaaring pumatay. Wala kasi tayong kadala-dala. Sa kabila ng tumataas na bilang ng mga nasasawi at napuputulan dahil sa mga pampasabog, parang hindi kumpleto ang taon natin kung hindi tayo magpapaputok.
Mas masaya kung sa pagtatapos ng taon, nakatitiyak tayong kumpleto ang bilang ng ating mga daliri at kumpleto ang bilang ng ating pamilya.