Basahin ang Lukas 2:41-52.
Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, silay umuwi na. Nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Jesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siyay hinanap sa mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro.
Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siyay makita.
"Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin?
Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo."
"Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na akoy dapat nasa bahay ng aking Ama?" tanong ni Jesus. Ngunit hindi nila naunawaan.
Siyay umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Jesus. Umunlad ang kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.
Kung kayoy ama o ina, mataimtim na manalangin sa Banal na Pamilya na sanay masundan ninyo ang halimbawa ng kanilang kabanalan at katapatan sa mga plano ng Ama sa langit. Ang Ama sa langit ang nagbalak ng pamilya ni Jesus, Maria at Jose para maging huwaran ng lahat ng mga pamilya sa lupa sa lahat ng panahon.