Tatlong araw bago sumapit ang Pasko, isa pang trahedya ang naganap. Isang ferry boat ang lumubog sa karagatan ng Palawan at ayon sa report, mahigit 70 katao ang nawawala. Lumubog ang barko dahil sa malalaking alon. Patuloy pa ang isinasagawang paghahanap ng Philippine Coast Guard. Sa pier na dadaungan ng ferry ay marami ang nag-aabang mga magulang, anak, kapatid na kabilang sa mga pasahero ng M/L Piarry. Galing Cagayan de Tawi-Tawi ang ferry at patugong Brookespoint, Palawan nang mabutas ito at lumubog. Karamihan sa mga nakasakay mga matatanda.
Marami nang Pasko ang nagdaan sa mga nakatira sa ilalim ng tulay. Malamok, madilim, maingay dahil sa mga nagdaraang mga sasakyan pero patuloy pa rin ang buhay. May nakasabit na parol sa kalawanging pako na nakabaon sa giray na barungbarong. May kaunting pagsasaluhan sa Noche Buena bilang paggunita sa pagsilang ng Mananakop. Sa kabila ng kahirapan, nasa kanilang mga labi ang pagsasaya sa Pasko. May pag-asa silang natatanaw katulad ng pag-asang nadama ng tatlong hari nang makita ang sanggol sa sabsaban.
Marami ang naghahangad ng kapayapaan at katiwasayan sa bansang ito. Marami ang nagnanais na guminhawa ang pamumuhay. Marami ang nangangarap na ang susunod na pinuno ng bansa ay makatutugon sa matagal na nilang pinapangarap ang makaahon sa kahirapan.
Maligayang Pasko sa inyong lahat.