Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Kaya umuwi ang bawat isa sa sariling bayan upang magpatala.
Mula sa Nazaret, Galilea, pumunta si Jose sa Betlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siyay mula sa angkan at lahi ni David.
Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na nooy kagampan. Samantalang naroroon, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. Lalaki ang kanyang isinilang.
Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang matuluyan.
Sa lupaing iyon ay may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang lumitaw sa harapan nila ang isang anghel at lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng Panginoon. Natakot sila nang gayon na lamang, ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot! May dala akong mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas. Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol sa sabsaban."
Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan, na nagpupuri sa Diyos: "Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!"