Maganda na sana ang inumpisahan ni Tuliao kaya lang ang balita ko hindi naman niya idineklara sa hepe ng RISOO na si Sr. Supt. Bondoc ang kanyang trabaho. Ibig kong sabihin mga suki, hindi sa Camp Bagong Diwa dinala ang nakumpiskang makina kundi sa base ni Tuliao sa kanto ng Herbosa at Mata St., sa Tondo. Sa ngayon, ang mga nakumpiskang makina ni Tuliao ay nakalatag na sa ibat ibang lugar sa Maynila lalo na sa sakop ng Station 3 at Station 7. At ang mga ito ay may bagong sticker na ni Randy Sy. He-he-he! May magandang samahan talaga sina Tuliao at Sy, no mga suki?
At para mahuli sa akto ni De Leon si Tuliao, ang unang inutos niya sa kanya ay ilitaw ang nakumpiska niyang makina na hinahabol na rin ng mga operators nito na pinagtataguan niya. May accomplishment na may pagkakitaan pa, di ba Tuliao Sir? Kaya pala masipag kang manghuli eh ang bulsa mo rin ang iyong inuuna. Baka mauna pang maging milyonario si Tuliao kaysa kay De Leon kapag hindi kaagad nahinto ang raket niya, di ba mga suki? He-he-he! Sobrang buwenas talaga si Randy Sy at nakasandal siya sa pader. Kukunsintihin kaya siya ni De Leon?
Maliwanag pa kasi sa sikat ng buwan na si Tuliao ay hindi sumusunod sa no take policy ni De Leon sa mga pasugalan. Parang nag-alaga ng ahas ang bagong NCRPO chief natin dahil hindi lang protector ng video karera si Tuliao kundi maintainer pa, di ba mga suki? Kaya dapat itapon na ni De Leon si Tuliao sa probinsiya, para hindi siya magiging kahiya-hiya sa mata ng sambayanan ukol sa kampanya niya sa illegal gambling, anang Manilas Finest na nakausap ko. At paano titingalain ng mga tauhan niya si De Leon kung hindi niya masampulan si Tuliao?
At para sa kaalaman rin ni De Leon, hindi naman talaga nagsarang lubusan ang jueteng sa Metro Manila gaya ng inireport ng mga district directors niya. Karamihan pa nga sa mga gambling lords ay masaya nitong nagdaang mga araw dahil nag-Christmas party pa sila. Gerilya na ang operations ng jueteng at patutunayan natin yan kay De Leon dahil ay kumokolekta pa ng taya sa kalye. Ang kaibahan lang, patago na ang bola sa ngayon. Magsisilbi ta-yong mata tayo ni De Leon sa kampanya niya sa jueteng. Abangan!