Goodbye, NAIA

ANG batang sarado ni Mike Arroyo ay nagmumuni-muning magbitiw sa kanyang puwesto anumang oras pagkatapos ng bagong taon.

Si MIAA general manager Edgardo Manda, ang tinutukoy ng mga kuwago ng ORA MISMO.

Ibinulong ng isang asset mula sa Malacañang ang naging usap-usapan sa mga kuwago ng ORA MISMO, tungkol sa kuwentong ito.

Marami raw naglo-lobby sa Palasyo para makapalit ni Manda sa airport.

Si Manda kasi ang isa sa mga pinagkakatiwalaan ng Palasyo sa paghahanda sa kampanya ni Prez Gloria.

Mula noong 1992, nang tumakbong senador si Prez Gloria ay kasama na niya si Manda sa pag-orbit sa Pinas.

Kasama rin si Ed ng tumakbo si Prez noong noong 1998 bilang Vice Prez ng Pinas.

Kayat ang tiwala ng mag-asawa kay Manda ay hindi kayang bilhin ng pitsa.

Sa airport ay halos magta-tatlong taon na ito bilang manager. Nalampasan ang problemang tulad ng SARS, Capt. Villaruel incident, terrorism, PIATCO at Jose Pidal issue.

Nalampasan at nakayanan ni Manda ang mga lindol na problema nito sa airport.

Ang akala ng mga kuwago ng ORA MISMO, noong una ay papasukin ni Manda ang magulong daigdig ng pulitika kaya panay ang biro ng mga close friends nito sa kanya.

‘‘Marami bang pabor na hiningi si Manda sa kanyang amo? Tanong ng kuwagong mananaliksik.

‘‘Palagay ko wala dahil hindi naman mukhang pitsa si Ed,’’ sagot ng kuwagong Kotong cop.

‘‘Eh, bakit siya magre-resign ok siya sa airport?’’

‘‘Isa kasi si Ed sa mga trusted man ng mag-asawa kaya ganoon,’’ anang kuwago ng SPO-10 sa Crame.

‘‘Paano ngayon?"

‘‘Babalik pa naman sa NAIA si Ed kung mananalo si Prez Gloria kay FPJ sa darating na eleksiyon?’’

‘‘Paano kung matalo?’’

‘‘Diyan, tiyak goodbye na si Ed, he-he-he!

Show comments