Bro. Eddie V.. the alternatibo

BALITANG nanunuyo raw si Pangulong Arroyo kay Bishop Eddie Villanueva ng Jesus is Lord Church. Nakikiusap na huwag nang isulong ang balak na kumandidato sa pagka-pangulo.

Ibig sabihi’y isang potensyal na kandidato si Bro. Eddie kung sasabak sa karerang pampanguluhan. At di ako magtatakang magpakita man ng magandang performance sa halalan si Bro. Eddie. Bakit?

Sawa na ang taumbayan sa traditional politics. Bawat kandidato’y nagsasabing hindi sila trapo (bansag sa mga traditional politicians). Ngunit kapag nasa puwesto na ay walang pinag-iba sa mga datihan nang politiko. Halos lahat ay nagiging kontrobersyal at nababatikan ng katiwalian.

Totoo man ang mga akusasyon o hindi, nagkakabatik ang pangalan ng mga opisyal ng gobyerno sa mata ng publiko. Alam n’yo naman ang tao, akusasyon pa lang ay pinaniniwalaan na. Di na lingid sa madla ang "Jose Pidal" vs President Arroyo. Naririyan din ang pagkakasangkot diumano ni Sen. Lacson sa mga kaso ng kidnapping at droga. Si Raul Roco ay dawit sa multi-milyong anomalya nang siya’y DepEd Secretary pa. At maging ang baguhang si Fernando Poe, Jr. ay itinitsismis nang "babaero" at "tomador" tulad ng kumpare niyang si Erap.

Si Bro. Eddie ay isang Christian pastor. Maganda ang imahe niya sa publiko maging sa may ibang relihiyon. Wala siyang bahid ng korupsyon sa katawan at ang tingin sa kanya ng tao ay maka-Diyos. Hindi ako magtataka kung ang taumbayan ay sumugal sa kanya.

Bukod diyan, si Bro. Eddie ay halos nakatitiyak na sa 10-milyong boto ng mga Born Again Christians sa bansa. Kaya siguro sa kabila ng panunuyo sa kanya ni Presidente Arroyo na tumakbong bise niya, matigas ang pagtanggi ni Bro. Eddie.

Show comments