Kasagutan ni Maganto sa aking naisulat

SUMAGOT agad si General Romeo Maganto sa aking kolum na naisulat na lumabas noong Miyerkules. Ang pamagat "Pamumulitika ni Maganto habang aktibo pa sa serbisyo!

Hindi niya raw nagustuhan ang tema ng aking panunulat. Tumawag siya sa aking cellphone at nakausap ang aking chief of staff. Aniya, "kumpare ko pa man din si Ben. Hindi ko akalain na isa pa siya sa babanat sa akin." Dagdag pa ni Maganto, "down na nga ako, lalo pa akong nilulubog." Sa pananalita ni Maganto ang pakiwari niya’y "nagamit" ako ng kanyang mga kalaban.

May karapatan at dahilan na magalit si Maganto. Subalit nawawala sa lugar ang dahilan ng kanyang galit.

Ang hindi ko gusto ay ‘yung uri ng kanyang pag-iisip. Para sa akin, nakaka-insulto at nakakapanliit na ako’y kanyang pagdudahan. Lalo na’t kumpare ko pa naman siya. Kumpare ko nga si Maganto ngunit ang malungkot, hindi niya kilala ang tunay kong pagkatao. Tulad niya mayroon din akong prinsipyo’t paninindigan.

Marunong din akong magalit kapag nasa katwiran. Nasa dugo ko ang pagiging palaban. Kaya kong lumaban ng harap-harapan at sabayan. Ang pagkakaiba nga lang namin, hindi ako PIKON. At sa iyo Pareng Romy, ipinagkakaloob ang iyong karapatan marinig ang iyong panig. Ipinaiiral ko ang patas at parehas na laro sa kolum kong ‘to.

Narito ang mga bahagi ng iyong pahayag bilang kasagutan mo sa aking kolum. Gusto kong linawin, singlinaw ng sikat ng araw. Aktibo ka pa rin sa serbisyo bilang isang pulis.

"I am in 30 years in service. I entitled for my early retirement. Malungkot nito ginagawan ako ng isyu ng magagaling na tao diyan. Gusto kong maglingkod sa bayan gumagawa pa rin sila ng isyu sa akin."

"Disappointed sa service sa kabila na halos nagpakamatay ako. Naputol ang aking paa sa pagtatanggol ng ating republika. I was put on floating status for some reasons that I do not know."

Dagdag pa ni Maganto, "March 30, 2004 I’ll be 56 years old, at that time abot na ako sa compulsory retirement but I am also entitled to an optional early retirement."

"Una-una, ano naman ang ginagawa ko sa PNP? I’m receiving my salary for doing nothing. I want to serve our people and nobody can stop me from serving our people. Alam ko naman mananalo ako."

Nakikita raw ni Maganto na professional jealousy ang nasa likod ng lahat kung kaya’t napag-iinitan lang siya.

Pareng Romy, narinig ko ang sinabi mo sa aking radio program na "mahal mo pa rin ako sa kabila ng aking naisulat. Ang aking sagot, "I love you too" at huwag ka ng pikon. Dahil ang pikon ay laging talo!

Show comments