Bulwak ng Bulacan

NU’NG dekada-70 umangat ang Cebu miski lumubog ang ekonomiya ng bansa. Nu’ng dekada-80 panahon ng Calabarzon sa Southern Tagalog na dumugin ng mga dayuhang pabrika. Nu’ng dekada-90, miski umalis ang US bases sa Clark at Subic at pumutok ang Bulkang Pinatubo, yumabong ang Central Luzon. At ang pinaka-matindi ay ang bulwak ng negosyo sa Bulacan.

Kapansin-pansin na ang dating probinsiya ng sakahan ay puno na ng small and medium enterprises. Habang naging special economic areas ang Clark at Subic tulad ng Bataan Export Processing Zone sa Mariveles, ang Bulacan ay nakilala sa paggawa ng alahas, damit, gamit pambahay, laruan, kakanin, sapatos at bag. Sa pag-export nito, kumita ang mga Bulakeño ng $245 milyon nu’ng 2000.

Sa 82 probinsiya, pinaka-mababa ang unemployment sa Bulacan miski lumalaki ang populasyon dahil sa mga dayo. Pinaka-mataas naman ang karaniwang kita ng pamilya na P15,000 kada buwan. Mababa rin ang krimen: 6.62 percent nu’ng nakaraang anim na taon, kumpara sa pambansang average na 14.48 percent.

Paano nangyari lahat ito? Maraming sanhi, ani Gov. Josie dela Cruz, pero ang pinaka-ramdam ay ang ugaling pagnenegosyo ng mga Bulakeño. Isa sa bawat apat sa kanila ay may maliit o katamtamang negosyo, kumpara sa national average na isa sa bawat isang-daan. Sa kabuuang 92,411 negosyo sa anim na probinsiya ng Central Luzon, isa sa bawat tatlo, o 31.641, ay nasa Bulacan.

Kaya hindi nakapagtataka na ang malalaking negosyante rin ay pumapasok na sa Bulacan. Hindi magpapahuli ang SM ni Henry Sy; nagbukas na sila ng mall sa Marilao nu’ng Nobyembre. Di magtatagal, dadayo na rin doon ang Robinsons. Nitong nakaraang limang taon, P24.22 bilyon ang pinuhunan ng mga Bulakeño at dayo sa probinsiya. Mahigit 40,000 bagong trabaho ang ibinunsod.

Isa lang ang ayaw ko sa Bulacan. Dahil sa bulwak ng ekonomiya, naging matrapik!

Show comments