Maagang pamasko sa taga-Smokey Mt.

ABOT-ABOT ang pasasalamat ng may mahigit sa 700 pamilya ng Smokey Mountain sa Tondo, Manila kay Presidente Arroyo. Tinanggap na nila ang titulo ng pagmamay-ari sa kanilang condominium units. Alas-singko ng madaling araw nang magtungo roon ang Pangulo.Dumalo siya sa Misa de Gallo. Nakisalamuha siya sa mga mararalitang mamamayan at community leaders at nakikain ng agahang putobumbong habang inaawitan siya ng mga tao roon ng "May Pasko rin sa Smokey Mountain." Mahirap ipaliwanag sa panulat ang emosyon ng mga tao nang tanggapin nila ang sertipiko ng ownership sa mahigit 700 condo units.

Ibang-iba na talaga ngayon ang dating mabahong tambakan na ang pagpapaunlad nito ay pinamahalaan ng batikang developer na si Regis Romero na dumalo sa okasyon. nandoon din sina First Gent Mike Arroyo, NHA Gen. Manager Ed Pamintuan, DSWD Secretary Dinky Soliman, Housing and Urban Developpment Coordinating Council head, Undersecretary Manny de Castro, MMDA Chair Bayani Fernando, Manila Mayor Lito Atienza at Housing Guarantee Corp. President Benjamin Bongolan

Isang matandang babae ang nag-iisang nagbitbit ng placard na nagsasaad ng "Maraming Salamat po, GMA" habang ang mga paslit ay sumisigaw nang "mayaman na kami." Ang mga batang ito’y mula sa kahirapan. Binuhay sa kakarampot na kita mula sa pangangalahig ng basura. Ngayo’y tapos na ang kanilang kalbaryo. Sa ebanghelyo na isinaad ni Fr. Ben Beltran, isinalaysay niya ang genealogy o pinagmulan ni Jesu-Cristo mula sa 14-henerasyong nagsimula kay Abraham. Inihalintulad ng Pari ang mahabang panahon ng pakikipagbuno sa kahirapan ng mga mamamayang taga-Smokey na nagwakas sa kamay ni Presidente Arroyo. Marahil, kung tutukoy tayo ng grupo ng mga taong may pinakamasayang Pasko sa taong ito, wala nang tatalo pa sa mga kababayan nating taga-Smokey Mountain.

Parang kailan lang, nasa pabalat ng mga foreign magazines ang bundok ng basura sa pook na iyan. Ipinakikita ang mga gusgusing tao na hinahalukay ang mabahong basura sa pag-asang may mapupulot na kapakipakinabang. Tinagurian pa ang Pilipinas na "sick man of Asia." Sana’y magpatuloy pa ang mga programa para sa nalalabing mahihirap na mamamayang Pilipino na siyang ugat ng lahat ng problema sa bansa.

Show comments