Sino'ng magpaparaya, si Lacson o si Poe?

NAG-USAP na sina action king Fernando Poe, Jr. at Sen. Panfilo Lacson sa layuning pag-isahin ang nagkawatak na partido oposisyon. Parehong aspirante sa pagka-Pangulo sina Ping at FPJ. Ang tanging remedyo upang matiyak ang tagumpay ng oposisyon sa darating na presidential elections ay magparaya ang isa at tumakbo na lamang bilang bise presidente.

Sa yugtong ito, nagkasundo pa lang ang dalawa na pagkaisahin ang oposisyon.Wala pang linaw kung sino ang magpaparaya. Si FPJ ay opisyal nang iprinoklama ng Laban ng Demokratikong Pilipino bilang standard bearer sa darating na halalan. Si Ping ay nagsagawa na rin ng sariling proklamasyon na suportado ng mga miyembro ng oposisyong katig sa kanya. Paano ngayong pagkakasunduin ang nahating partido ng oposisyon para maging formidable o walang talo laban sa incumbent President na si Gloria Arroyo?

Parehong may iniingatang amor propio ang dalawa. Hindi basta-basta magpaparaya. Ano na lang ang sasabihin ng milyun-milyong tagahanga ni FPJ kung siya’y biglang aatras sa laban? Ngunit puwede ring ikatuwiran iyan ni Ping. Mayroon din siyang sariling lehiyon ng mga supporters na di niya maaaring pahindian.

Tama si Sen. Aquilino Pimentel. Dapat resolbahin ng oposisyon hangga’t maaga ang problemang ito. Kung hindi (ang sabi ni Pimentel) "President Arroyo is still the one to beat." May mga nagsasabi naman na patas pa rin ang laban dahil ang isa pang presidentiable na si Raul Roco ay malamang kumain ng boto mula sa mga botante ni Arroyo.

Ang problema ay ito: Sa dami ng mga magsisitakbo sa pagka-pangulo, ang sino mang mananalo ay hindi halal ng nakararaming Pilipino. Magiging minority president ito. At ang Pangulong hindi halal ng mayorya ay karaniwang nagkakaroon ng maligalig na pamumuno.

Ilang buwan na lang ang nalalabi bago ang halalan sa Mayo. Harinawang magkaroon lamang ng dalawang kandidato sa pagka-Pangulo nang sa gayo’y makatiyak tayo na ang mananalong Pangulo ay susuportahan ng nakararaming mamamayan.

Show comments