Sa isang report na ipinalabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas, simula noong 1999, bumaba na ang mga Pinoy na nag-aabroad. Nababawasan ang bilang ng mga nagnanais magtrabaho at ang itinuturong dahilan ay ang mahigpit na kumpetisyon sa iba pang mga bansa. Mula January hanggang September 2003, bumaba ng 8.88 percent ang bilang ng mga nag-aabroad. May nagsasabing ang bagsak na ekonomiya at banta ng mga terorista ang dahilan sa pagbabawas ng bilang sa mga nag-aabroad.
Sa Saudi Arabia kung saan may 800,000 Pinoy ang nagtatrabaho ay marami na ang nakararamdam na hindi na sila kailangan. May apat na taon ang nakararaan mula nang ilunsad ng Saudi Arabia ang Saudization program nila. Sinasanay na ng Saudi government ang kanilang mamamayan para makatindig sa sariling mga paa at nang hindi na aasa sa maaabilidad na mga Pinoy. Kakumpetinsiya ng mga Pinoy sa pagtatrabaho sa Saudi ang mga Indians, Indonesians at Malaysians. Sinasabing mahigpit na sinasanay ng mga nabanggit na bansa ang kanilang mamamayan para maihanda sa overseas jobs.
Kung patuloy na kakaunti ang bilang ng mga OFWs, sigurado ring kakaunti ang perang galing sa remittance. Nakaamba ang hirap kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon. Ang mga OFW ang sumasagip sa nakasubsob na ekonomiya. Kung mawawala ang mga OFW, paano na? Kung hindi gagawa ng hakbang ang pamahalaan sa problemang ito, saan tutungo ang bansa. Magsagawa ng plano para hindi matalo ang mga OFWs ng kanilang kalaban. O kayay lumikha ng mga trabaho sa bansa para hindi na aalis ang mga "Bagong Bayani".