Maliwanag na naetsa-puwera na si Lacson sa pagpipilian sana ng komite ni dating senador Juan Ponce Enrile. Ayon naman sa kampo ni Lacson, wala na silang magagawa kundi ang humiwalay ng landas.
May mga umaasa naman na kapag natauhan na si Lacson, maaari itong umatras na sa kanyang kandidatura at makipagtulungan na lamang sa oposisyon o di kaya naman pumayag na lamang na maging bise ni FPJ. Ang pinagbabasehan nila ay ang nauna nang pagpapahayag ni Lacson na ipagpapatuloy na lamang niya ang tungkulin bilang senador kung sakali mang hindi siya mapiling standard bearer ng oposisyon.
Kahit na ano pa ang sabihin, tunay namang nagkakagulo ang oposisyon. Kapag ang nanaig ay ang kani-kanilang personal na interes, lalo pang magwawatak-watak ito na ikatutuwa naman ng kanilang mga kalaban sa pulitika na may mga sarili ring mga iringan at hindi pagkakaunawaan. Kung sabagay, dito sa Pilipinas, ang bayan ay ang huling nakikinabang sa takbo ng pulitika. Ang kasabihan nga ay pulitiko muna bago bayan.