Inamin mismo ni Robot na P10 milyon lamang ang kanyang nakaparte sa ransom at ang P230 milyon ay napunta naman sa iba pang maimpluwensiyang tao na nanghimasok sa negosasyon. Naganap ang Sipadan kidnapping sa panahon ni dating President Joseph Estrada. Noon pa man ay umugong na ang balitang may mga opisyal na nakinabang sa ransom subalit unti-unting namatay ang isyu. Si dating Presidential Adviser Robert Aventajado ang inatasan noon ni Estrada na makipagnegosasyon sa mga terorista. May isa pang personalidad na kaibigan ni Estrada ang nakipag-negotiate rin sa mga terorista para mapalaya ang mga hostages. Pati ang anak ni Libyan leader Moammar Khadafy ay nakialam din sa negosasyon sa mga terorista.
Delikado si Robot hindi sa ganti ng mga naging biktima niya kundi sa mga matatakaw na nakihati sa ransom. At nararapat lamang na guwardiyado ang teroristang ito upang hindi siya malikida ng mga personalidad na tinukoy niyang kahati sa pera. Dapat na suriing mabuti naman ng Armed Forces of the Philippines kung ang mga nagbabantay kay Robot ay mapagkakatiwalaan. Baka ang mga guwardiya niya sa ospital ang tomodas sa kanya. Sa panahong ito na mahalaga ang pera, madali lamang maiutos na itumba si Robot. Mas madali ang pagtumba sa kanya kaysa itakas. Sino pa ang sira-ulong magtatakas sa isang taong wala nang paa?
Kung gusto ng awtoridad na mahukay ang lalim ng misteryo sa Sipadan kidnapping, bantayang mabuti si Robot at pagsalitain pa nang pagsalitain upang mabulgar na lahat ang mga nangyari noon. Maaaring hindi na mapipigil si Robot sa pagsasalita sapagkat halos alam na niya ang mangyayari sa kanya sakalit gumaling siya sa kanyang mga sugat. Tiyak na sa bigat ng kanyang mga kasalanang nagawa, namugot ng ulo, nanggahasa, parusang kamatayan ang hahantungan niya lalot kaaalis lamang ang moratorium sa death penalty. Tiyak na ibubulgar na niyang lahat ang mga nangyari noon. Lalantad ang mga bulok at maaamoy ang baho.
Bantayan si Robot upang hindi madukot at maitumba ng mga maimpluwensiya.