^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Bantayan ang putol na Robot

-
KAHAPON ay banner story ng Pilipino Star NGAYON na maaaring dukutin at itumba si Ghalib Andang alyas Kumander Robot ng mga maimpluwensiyang personalidad na nakihati sa P240 milyong ransom na ibinayad ng 21 dayuhang hostages. Sampung milyong piso ang napasa-kamay ni Robot sa pangingidnap sa mga turista sa Sipadan, Malaysia noong April 23, 2000. Nadakip si Robot noong Linggo ng gabi makaraan ang isang enkuwentro. Tinamaan siya sa hita at pinutol na ng mga doktor.

Inamin mismo ni Robot na P10 milyon lamang ang kanyang nakaparte sa ransom at ang P230 milyon ay napunta naman sa iba pang maimpluwensiyang tao na nanghimasok sa negosasyon. Naganap ang Sipadan kidnapping sa panahon ni dating President Joseph Estrada. Noon pa man ay umugong na ang balitang may mga opisyal na nakinabang sa ransom subalit unti-unting namatay ang isyu. Si dating Presidential Adviser Robert Aventajado ang inatasan noon ni Estrada na makipagnegosasyon sa mga terorista. May isa pang personalidad na kaibigan ni Estrada ang nakipag-negotiate rin sa mga terorista para mapalaya ang mga hostages. Pati ang anak ni Libyan leader Moammar Khadafy ay nakialam din sa negosasyon sa mga terorista.

Delikado si Robot hindi sa ganti ng mga naging biktima niya kundi sa mga matatakaw na nakihati sa ransom. At nararapat lamang na guwardiyado ang teroristang ito upang hindi siya malikida ng mga personalidad na tinukoy niyang kahati sa pera. Dapat na suriing mabuti naman ng Armed Forces of the Philippines kung ang mga nagbabantay kay Robot ay mapagkakatiwalaan. Baka ang mga guwardiya niya sa ospital ang tomodas sa kanya. Sa panahong ito na mahalaga ang pera, madali lamang maiutos na itumba si Robot. Mas madali ang pagtumba sa kanya kaysa itakas. Sino pa ang sira-ulong magtatakas sa isang taong wala nang paa?

Kung gusto ng awtoridad na mahukay ang lalim ng misteryo sa Sipadan kidnapping, bantayang mabuti si Robot at pagsalitain pa nang pagsalitain upang mabulgar na lahat ang mga nangyari noon. Maaaring hindi na mapipigil si Robot sa pagsasalita sapagkat halos alam na niya ang mangyayari sa kanya sakalit gumaling siya sa kanyang mga sugat. Tiyak na sa bigat ng kanyang mga kasalanang nagawa, namugot ng ulo, nanggahasa, parusang kamatayan ang hahantungan niya lalo’t kaaalis lamang ang moratorium sa death penalty. Tiyak na ibubulgar na niyang lahat ang mga nangyari noon. Lalantad ang mga bulok at maaamoy ang baho.

Bantayan si Robot upang hindi madukot at maitumba ng mga maimpluwensiya.

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

GHALIB ANDANG

KUMANDER ROBOT

MOAMMAR KHADAFY

PILIPINO STAR

PRESIDENT JOSEPH ESTRADA

PRESIDENTIAL ADVISER ROBERT AVENTAJADO

ROBOT

SIPADAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with