Hindi kabuhayan ng magsasaka ang inaatupag ni Pagdanganan

DAPAT paimbestigahan ni Presidente Arroyo ang katakut-takot na consultants na kinuha ni Secretary Roberto Pagdanganan ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil sa sumbong na hindi ang kapakanan ng magsasaka ang nasa isip nila kundi ang political interes ng huli. Umaabot na umano sa P35 milyon ang ginagasta ng DAR dito sa mga consultants na ito na kung ang salapi ay napunta sana sa mga programa patungkol sa pagsasaka ay malaking bagay na ito. May 100 consultants na ang DAR na humuhuthot sa pondo nila samantalang wala silang perang pambili ng mga office supplies tulad ng ink, bondpaper, ballpen at toner. Ang ipinagtaka lang ng mga empleyado ng DAR, kung gaano kaingay ang employees union nila na naging pasimuno para mapatalsik sa puwesto ang pinalitan ni Pagdanganan na si dating Sec. Hernani Braganza, eh sa ngayon tahimik na sila. Magkano kaya ang dahilan? ‘Yan ang katanungan nila sa DAREA, he-he-he! Lumabas din ang tunay na kulay nitong DAREA no mga suki?

Nais ng mga empleyado, na magsagawa ng surprise inspection si GMA sa DAR at makita niya sa 4th floor ng gusali nito ang ‘‘war room’’ na itinayo ni Pagdanganan. Dito ginagawa ang mga dirty tricks o programa hindi para itulak ang mga proyekto sa pagsaka kundi para siraan ang mga makakalaban ni Pagdanganan sa pulitika. Sa tingin ng mga empleyado ng DAR, tuloy na tuloy na ang pagbalik ni Pagdanganan sa pulitika sa darating na May elections. Ang hindi pa matiyak ay kung ano ang tatakbuhin niya – ang pagka-senador o pagiging gobernador ng Bulacan. Kaya panay papogi ang ginagawa sa ngayon ni Pagdanganan para mapansin na muli siya ng mga kababayan niya at hindi para paunlarin ang kabuhayan ng mga magsasaka. Kawawang Pilipinas.

Nag-umpisang maglutangan ang mga consultants nang hirangin ni GMA si Pagdanganan sa puwesto sa taon na ito. Mayroon pa nga riyan na sumusuweldo ng P1 noong kapanahunan ni Braganza subalit nabigyan ng permanent status ni Pagdanganan sa ilalim ng termino niya. Ang bait pala nitong si Pagdanganan, no mga suki? Nilulustay lang niya ang kaban ng bayan para sa kapakanan niya. At mukhang magkakutsaba ni Pagdanganan at ang DAREA sa paglustay ng pondo nila kasi nga give and take ang ipinaiiral na proseso. ‘‘They are blackmailing each other kaya kung ano man ang ginagawa ng management hindi umaangal ang DAREA dahil kung ano ang hingin nila at binibigay naman ni Obet,’’ anang isang empleyado ng DAR.

Show comments