Mga estudyante na hindi pinayagang mag-enrol

ANG mag-asawang Manny at Dora ay may apat na anak na babaing nag-aaral sa isang pribadong eskuwelahan. Ang dalawa sa mga ito ay nakatapos na ng high school samantalang ang mas batang sina Cecille at Annie ay mag-eenrol sa nalalapit na pasukan bilang Grade 6 at 4.

Nagpunta ang mag-asawa sa eskuwelahan at nai-enrol ang dalawang bata. Umabot sa P35,187 ang tuition fees ng mga ito kaya inalok ni Dora ang school ng personal checks postdated July 15 ng taong yun. Hindi ito tinanggap ng school dahil may reputasyon na si Dora na madalas tumalbog ang mga tsekeng iniisyu nito.

Samantala, nagkaroon ng kasunduan ang school at mga magulang kung saan ang bawat estudyante ay magdedeposito ng refundable land purchase deposit na P50,000. Ang nasabing halaga ay magagamit ng school upang makabili ito ng lupa na pagtatayuan ng isang school building. Pumayag ang mag-asawang Manny at Dora kung saan nakapagbigay na sila ng paunang hulugan na P25,000. Subalit ang halagang ito ay ipinakiusap ng mag-asawa na pambayad na lamang muna sa tuition fees nina Cecille at Annie ng nakaraang schoolyear upang mapayagan ang mga ito na makakuha ng final exams.

Kaya sa sumunod na schoolyear ng mga bata, naatasan ng school ang mag-asawa na bayaran nito ang tuition fees pati na ang deposito sa lupa. At nang hindi makabayad, hindi pinayagang ma-enroll sina Cecille at Annie. Napilitan sina Manny at Dora na sampahan ng kaso ang school kung saan humiling sila ng preliminary injunction upang atasan ang eskuwelahan na tatanggapin ang mga bata na ma-enrol. Iginiit nila na may karapatan sina Cecille at Annie na mag-enrol dito. Habang nakabinbin ang kaso, nai-enrol nina Manny at Dora sina Cecille at Annie sa ibang school. Tama ba ang mag-asawa na humiling ng writ of preliminary mandatory injunction?

MALI.
Walang sapat na dahilan sina Manny at Dora na humiling ng injunctive writ dahil nahuli na silang magbayad ng tuition fees sa tamang oras. Sa halip na cash o manager’s check ang kanilang bayad, tama lamang tumanggi ang school sa personal check na kanyang ibinayad alinsunod na rin sa alituntunin ng nasabing school. Sanhi rin ng pagtanggi ay ang rekord nina Manny at Dora na ang mga tsekeng kanilang iniisyu ay tumatalbog.

Kahit na mayroon silang karapatan, hindi pa rin sapat na maisyu ang writ of preliminary injunction. Hindi nila naipakita ang permanente at kaagad na pangangailangan dito dahil naka-enrol na naman sina Cecille at Annie sa ibang school. Samakatuwid, hindi na kinakailangan pa ang writ of mandatory injunction upang atasan ang school na tanggapin ang mga bata. (Crystal vs. Cebu International School G.R. 135433 April 4, 2001).

Show comments