Baka magising si GMA isang umaga na meron na namang kudeta

MALUGOD na tinanggap ni Dep. Dir. Gen. Reynaldo Velasco ang paglipat niya ng puwesto subalit umapela siya kay Presidente Arroyo na huwag bahiran ng pulitika ang hanay ng militar at pulisya sa pangambang maging daan ito tungo sa isang panibagong kudeta. Marami ang nagsasabing kaya sinibak si Velasco bilang hepe ng NCRPO ay dahil sa pulitika subalit nagkibit-balikat lamang siya sa balitang ito. Si Velasco kasi ay protégé ni dating Defense chief at Executive Secretary Renate de Villa na tumiwalag sa administrasyon ni Presidente Arroyo at tahasang sumuporta kay Presidential bet Raul Roco. Sa 32 na opisyales ng PNP kasi na naapektuhan ng revamp na isinagawa ni PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr., si Velasco ang isa sa mga kaagad tumalima sa kautusan di tulad ng kaso ng 17 niyang kasamahan na gumamit ng padrino para i-recall ang order nila.

Si Velasco kasi ay inilipat sa Philippine Center for Transnational Crime (PCTC) na ayon sa mga Crime insiders ay isang ‘‘freezer’’ position. Hindi siya nagreklamo at bilang professional ay buong puso niyang tinanggap ang bago niyang puwesto. Pero inamin ni Velasco na naantig ang kanyang puso sa kanyang paglipat habang nasa kalagitnaan ng kampanya ang NCRPO laban sa kriminalidad tulad ng kidnapping at bank robbery at illegal drugs. Kung si Velasco ay nasibak dahil sa pulitika, kasama niyang tinamaan ng lintek si Chief Supt. Jaime Caringal, ang hepe ng PRO4. Ang biyenan kasi ni Caringal na si dating Defense chief Fortunato Abat na isa sa mga key players ngn EDSA 2 ay sumama na rin kay De Villa sa kampo ni Roco. Sa panig naman ng militar, si Maj. Gen. Romeo Dominguez, na kaklase ni Velasco sa PMA Class 71 at pinaka-senior na sa linear list, subalit hindi siya ang hinirang na Army Chief nga. Kung patuloy na paiiralin ni GMA ang ganitong pamumulitika sa military at pulisya, eh hindi nalalayo na magising siya isang araw at meron na namang kudeta nga, di ba mga suki? Ano ba ’yan?

Nanawagan din si Velasco kay GMA na ipatupad ang reporma sa hanay ng pulisya at isulong ang seniority, mediocrity at professionalism sa pamamagitan ng Police Reform Commission at Napolcom bago maging huli ang lahat. Sinabi pa niya na dapat, bigyan din ni GMA ng lubos na suporta ng PNP sa pamamagitan ng logistic at material para lalong pagyabungin ang kampanya laban sa kriminalidad at droga.

Show comments