Nire-research na rin ang iba pang kasong pinabayaan umano ni Yadao. Maaalalang minultahan siya ng dalawang-buwang suweldo ng Korte Suprema nung 2002 dahil sa mahigit na isang taon na delay sa pag-isyu ng warrant of arrest sa isang murder suspect.
Sa isa pang kaso, inabot ng 11 buwan bago niya pagpiyansahin ang isang misis, guidance counsellor sa University of the Philippines at isang PhD na inakusahan ng pagpatay sa kanyang mister ng mataas ng opisyal-gobyerno. Malakas umano ang politikong pamilya ng mister, pero lumabas sa huli na malakas din ang ebidensiya ng defense lawyers ng misis na hindi niya kalaguyo ang pulis na akusado rin sa pagpatay.
Kabaligtaran naman ang kaso ng isang mayamang pulis na nag-massacre sa mga kapitbahay sa Caloocan. Nag-petition for bail ang pulis. Dahil napansing kumikiling si Yadao sa akusado, nag-petition naman ang prosecutors na mag-inhibit siya sa kaso. Pinaandar ni Yadao ang bail hearings, na para na ring paglilitis ng kaso. Hindi pa tapos maglahad ng ebidensiya ang prosecutors, pinagpiyansa na ni Yadao ang pulis. Saka lang siya nag-inhibit sa kaso. Puwede ba yon?