Sangkap na ephedrine ang ipinapasok sa bansa. Ang ephedrine ay main ingredient sa paggawa ng shabu. Kung wala ang ingredient na ito hindi makagagawa ng high grade shabu. Ang Pakistan at India ang sinasabing pinanggagalingan ng ephedrine at pumapangatlo ang China.
Nadiskubre ang 34.5 kilos ng ephedrine noong Martes ng mga agents ng Customs Intelligence and Enforcement Group (CIEG) sa postal office sa Intramuros, Manila. Ang ephedrine ay nanggaling sa Pakistan at nakalagay sa limang kahon. Naka-declared na mga babasahin ang laman ng mga kahon. Nang buksan nakita ang mga sangkap sa paggawa ng shabu. Sa limang tao naka-address ang mga kahon at pawang mga taga-Cebu. Subalit malaki ang hinala ng CIEG na mga fictious ang pangalan at address.
Noong Lunes, nadiskubre rin ng Customs ang may 300 drums ng ephedrine sa isang container van na galing India. Naka-declare na ang laman ng van ay mga bleaching powder. Sinaksihan ni President Arroyo ang imbentaryo ng ephedrine at inatasan ang awtoridad na tukuyin ang responsible sa pagpapasok ng highly regulated drug.
Hindi lamang Customs, Immigration, PNP at mga corrupt na pulitiko ang nasasangkot kaya nakapapasok ang drug syndicate kundi pati na rin sa post office. Nakakapit na ang mga galamay sa mga corrupt sa nasabing ahensiya at kung hindi kikilos si PhilPost chief Diomedio Villanueva, mawawasak ang kanyang pinamumunuan. Habang maaga pa, durugin na ang mga salot sa post office.
Malala na ang drug problem. At kahit na nagdeklara ang gobyerno sa pakikipaglaban sa drug syndicate kung ang moratorium naman sa death penalty ay hindi aalisin balewala rin. Hindi lamang sa post office may gagawa ng kalokohan kundi sa iba pang ahensiya ng gobyerno. Tiyak ito.