Kinukuha na ang AID-SOTF ang statement ni Laurente at maaring ipasa nila ito kay Bernardo para nga mapabilis din ang kanyang imbestigasyon at malinis niya ang kanyang kapaligiran sa Customs na isa sa mga pinaka-corrupt na ahensiya ng ating gobyerno, he-he-he! Bilang na ang mga araw nyo mga talipandas diyan sa Customs!
Ang bukambibig ni Laurente, mga suki ay itong pangalan nina Oca Tibayan at Ike Santayana, naka-assign sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS). Hindi pa natin mabatid kung ano ang role na ginampanan nina Tibayan at Santayana sa pagtuwid ng mga baluktot na papeles ng shipment pero may nakapagbulong sa akin na ang dalawa ay bagman ng isang opisyal sa Customs nga. Sa kanyang salaysay, hinikayat na ni Laurente sina Tibayan at Santayana na buksan ang naturang van dahil may alert order ito mula sa opisina ni Customs collector Godofredo Olores pero ipina-Lunes pa nila. Kayat hayan, naunahan sila ng mga tauhan ni AID-SOTF chief Dep. Gen. Edgar Aglipay at nasamsam nga ang 40 drums ng Ephedrine. At kung bakit nawawala ang mga original na dokumento ng shipment ay sina Tibayan at Santayana lang ang nakakaalam, di ba mga suki?
Sinabi naman ni Laurente na P550 lang ang kinita niya sa naturang shipment. Dalawang daan para sa pirma niya at P350 naman ang para sa entry form. Isang Tony Castillo umano na may-ari ng Premier Sea and Air Cargo Movers Inc. na may opisina sa Escolta, Manila ang lumapit sa kanya para tulungan makalabas ang naturang kontrabando sa MICP. Si Castillo, na tumayong consignee ng shipment at nag-ayos ng papeles, na ayon kay Laurente, ay maraming tinapalan ng pera sa Customs mismo, he-he-he! Kasama kaya rito sina Tibayan at Santayana? Yan ang tanong ng gustong hanapan ng kasagutan ng mga imbestigador ni Aglipay. Si Castillo ay kasalukuyang nawawala at nagpalabas na si Aglipay ng isang nationwide manhunt laban sa kanya.
Sa halagang P550 eh mabibitay pa si Laurente pag nagkataon. Ang ikinaso kasi sa kanya ng AID-SOTF sa Department of Justice (DOJ) ay drug trafficking at illegal importation of controlled precursor. Kung nalusutan ni Laurente ang dalawang naunang kaso ukol na rin sa pagpuslit ng shabu sa bansa, sa tingin ng AID-SOFT swak na siya dito. At kapag may ebidensiya sila laban sa mga Customs officials, gusto ng AID-SOTF na masampolan din sila para magsilbing babala sa mga empleyado ng gobyerno na huwag makipagsabwatan sa mga drug syndicates kahit abot langit pa ang kinikita nila. Abangan!