^

PSN Opinyon

"Unang anibersaryo ng 'Calvento Files"

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
ISANG TAON NA PO ANG "CALVENTO FILES" sa Pilipino Star Ngayon. Ang una kong isinulat para sa dyaryong ito ay may pamagat na "FPJ SA 2004?" Yan ay bago pa nagkaroon ng FPJ MANIA, tungkol sa pagtakbo niya. Naaninag ko na yan. Gaya na rin ng sinabi ko na tatakbong muli si PGMA. Upang sariwain ang mga sinabi ko (prophetic nga, sabi ni kaibigang Al Pedroche) nais kong ilathalang muli ang artikulong yun na lumabas nung Dec. 2, 2002.

"Nagsalita na si Fernando Poe Jr. Hindi raw tatakbo sa 2004. Hindi raw siya interesado. Huwag na raw pagusapan ang politika. Subalit ayaw mamatay ang bulong-bulungan. Bakit? Aba, ewan ko. Hindi nga ba tatakbo? Marami na ang nagsabi nito subalit kinain ang kanilang salita. Hindi siguro si Ronnie. Isa siyang maginoo at marangal na tao, Honest, Higit sa lahat. Isang kaballerong may Palabra de Honor. Teka muna, Ikaw na nagbabasa ng artikulong ito. Ikaw nga! Pakisuri nga kung ano ang mga ipinakita sa atin ni FPJ? Pumasok siya sa Pelikulang Pilipino at naging isa siyang Hari nito, Sinubukan niyang magdirihe. Si Ronwaldo Reyes (FPJ din yun ‘tol) nakatanggap siya ng parangal dahil sa kanyang mga obra maestra. Pero ayaw lumaban ni FPJ sa 2004?

Paano na ang taumbayan? Anong masasabi ni Mediavillo, Asedillo, Daniel Bartolo, ni Panday, ni Totoy Bato? Di ba’t ganyan din ang takbo ng mga pelikula ni FPJ? Ayaw niyang lumaban sa umpisa. Nagpapaapi, Nagpapabugbog hanggang kaya pa. Putris, kahit na emote na emote na ang nasirang premyadong aktres na si Julie Vega, naubos na yata ang luha sa kasisigaw, "Itay, lumaban ka!" di natinag si Da King. Nang mapuno na ang salop, daig pa ang bagyo nang lumaban si FPJ. Giba ang dibdib nina Paquito Diaz, Max Alvarado, Max Laurel, Bomber Moran at sinu-sino pang goons ng sindikato. Hindi siya umurong kahit kanino. Mapa-huwes man, politico, ulo ng sindikato, general at maski na sa mga impakto at laman-tao. Yan si FPJ!

Ilang ulit na nating nakita si FPJ sa pelikula na namumuno ng taumbayan. Yan ang kanilang inaasahan. Isang Messiah. Isang tagapagligtas sa kalagayan ngayon? Sila rin ang magdadala kay FPJ sa Malacanang sa 2004. Ibang politico, kailangan pang magbayad para maiboto lamang si FPJ libre makukuha ang boto ng tao. Isang boto ka lang. Isang boto lang tayong lahat. Pantay-pantay pagdating ng eleksyon. Ang mga sundalo at pulis, binabayaran para sa kanilang serbisyo sa tao. Para kay FPJ magsisilbi ito ng tapat at bahala na sa kanila si Bosing. Anong ibig sabihin nito? Isa lamang. Malakas ang dating ng panalo kay FPJ. Ito’y alam niya. Alam nating lahat ito.

Matatanggihan ba ng bida ang daing ng kanyang mga tagasubaybay na halos magpakamatay para sa kanya? Matatanggihan ba ni FPJ ang hiling ng tao na labanan ang kahirapan, katiwalian sa gobyerno, laganap na droga, sindikato sa kidnapping, carnapping at marami pang iba? Mahirap tanggihan ‘yan. Masa na ang nagmamakaawa. Di ba milyun-milyon ang kanilang boto.


Ito ang nililigawan ng lahat ng politiko. Hindi ba’t pati si Presidente Gloria ay pilit na nagmukhang Nora Aunor (nagpalaki pa yata ng nunal sa mukha?) noong huling halalan? Anong nangyari, iniwanan niya ng milya-milya ang kanyang kalaban bilang Bise-Presidente? Si FPJ di kailangan pang magpagalaw ng kanyang mukha para maging kamukha niya. Siya na ‘yun. Kabahan na kayong mga nag-aambisyon. Kabado na nga sila.

Si FPJ sa 2004. Siya na nga ba? Tigil muna tayo. Ano ba ang ending ng halos lahat ng pelikula ni Da King na kanyang nagawa. Pagkatapos lumaban nila Mediavillo, Asedillo, Daniel Bartolo, Totoy Bato, ng Panday, pagkatapos maisaayos ni Da King ang lahat ng kaguluhan at talunin ang mga kaaway, di ba’t bumabalik ito sa isang matahimik na buhay at ibinibigay sa taumbayan ang pagpapatakbo ng bayan? Parang isang Agila na lilipad ng pagkataas-taas sa tahimik na kalangitan, handang dumagit muli sa ngalan ng bayan.

Oops, oops! Kanino maiiwan ang pamahalaan? Kay Senador Ping Lacson? Sen. Edong Angara? Sen. Noli de Castro? Raul Roco? Inakup, suskup! "WAG NA LANG!"

MARAMING DAPAT PASAMALATAN SA PAGKAKATAONG IBINIGAY SA INYONG LINGKOD NA MAKAPAGSULAT DITO SA PILIPINO STAR NGAYON. UNA ANG PANGINOONG DIYOS. SI G. MIGUEL BELMONTE. ISANG "MILD MANNERED, INTELLIGENT AND INOBSTRUSIVE" PUBLISHER. SI KAIBIGAN AL PEDROCHE, ANG AMING EDITOR AT LAHAT NG AKING KASAMA SA PSNGAYON. LAHAT KAYO!

NGAYON, ANG AKING TAOS PUSONG PASASALAMAT SA LAHAT NG TUMATANGKILIK NG "CALVENTO FILES". Kung hindi dahil sa inyo, matagal na akong huminto ng pagsusulat. Salamat sa inyong mensahe, "good or bad" at uulitin ko. The greatest compliment you can give a journalist is to let him know he is being read." HAPPY ANNIVERSARY SA ATING LAHAT!

PARA SA ANUMAN COMMENTS OR REACTIONS MAAARI KAYONG MAG-TEXT SA 09179904918. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.

AL PEDROCHE

ANONG

DA KING

DANIEL BARTOLO

FPJ

ISANG

LAHAT

TOTOY BATO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with