FPJ subok na, pero sa pelikula pa lang

MARAMING naging fans si Gary Cooper dahil sa aksiyon, katatawanan at drama sa kanyang mga lead roles. Nu’ng 1936 itinayo nila siya bilang susunod na Presidente ng Estados Unidos. Napatunayan na raw kasi ang galing niya sa pulitika sa box-office hit na Mr. Deeds Goes to Town.

Marahil dahil diyan, nanuya ang isang Manila radio commentator sa pagkandidato ng isa ring sikat na artista bilang Pangulo ng Pilipinas. Taliwas sa mga batikos ng kawalan ng karanasan, aniya subok na raw si Fernando Poe Jr. sa paglaban sa jueteng bilang barangay chairman sa pelikulang Dito sa Pitong Gatang, sa mga bulok sa huwes sa Kapag Puno na ang Salop, at sa kadukhaan sa Lagot Ka sa Tatay Ko.

Dagdag pa ng komentarista, gagap daw ni FPJ ang mga isyung pambansa. Batid daw niya ang pang-aapi sa masa sa Anino ni Asedillo, ang kidnapping at droga sa Batas ng Lansangan, at ang buhay-pulis laban sa krimen sa Eseng ng Tondo. Pati kahalagahan ng sports, kabisado raw ni FPJ dahil sa tambalan nila ni Efren "Bata" Reyes sa Pakners.

Tinuturing katatawanan ang pagkandidato ng "artista na naman" dahil dalang-dala raw ng pelikula ang mga botante. Kesyo raw malulutas ni FPJ ang Moro secession dahil binabaril ng mga armadong manonood ng sine ang mga kontrabidang nagbabalak ng masama mula sa likod ng bida. Yun nga raw, kesyo aatras ang negosyo at tulong ng mga Hapon kung maging Presidente si FPJ dahil duse-dosena kada bala kung patumbahin niya sila sa mga pelikulang giyera.

Pero si President Gloria Macapagal-Arroyo, hindi natatawa. Ni ayaw niyang magkomentaryo sa pagtakbo ni FPJ. Naaalala niya marahil na sikat na artista ring si Rogelio dela Rosa ang kumandidato nu’ng 1961 laban sa ama niyang si Diosdado Macapagal. Bayaw pa man din si dela Rosa ni Kong Dadong. Umatras lang siya nang gawing ambassador sa malayong bansa.

Si Joseph Estrada ay hindi rin nagtatawa. Tila tiket niya si FPJ sa kalayaan mula sa preso. Nasa platform nga kaya ‘yon ni FPJ? Abangan!

Show comments