Maaaring malinis ang intensyon ni FPJ. Kilala siya sa kanyang sirkulo sa showbis bilang taong matulungin at madaling lapitan. Ngunit gaya ng isyung alam na ng lahat, walang karanasan si FPJ sa pagpapatakbo ng bansa. Mas may karanasan sa kanya ang kanyang matalik na kaibigang si Joseph Estrada na matagal na naging Mayor, Senador, Vice President at Presidente. Pero anong nangyari sa kanya? Hindi niya natapos ang anim na taong termino. Nakaharap siya ngayon sa isang kahiya-hiyang kaso ng pandarambong sa yaman ng bayan.
Mahalaga ang charisma ng isang leader na walang alinlangang taglay ni FPJ. Puwede marahil siyang maging Pangulo kung makakakuha siya ng mga opisyal ng gabinete na may malinis na puso, talino at tapat na intensyong magsilbi sa bayan. Mga taong wala ni ga-hiblang makasariling interes na handang makipagtulungan sa kanya tulad ng mga musikerong bumubuo ng isang orchestra. Mahirap makatagpo ng ganyang klase ng mga tao. Kailangan pa sigurong umimporta ng mga santo mula sa langit. Kaya kung kukuha siya ng mga tagapayo, kailangan din niya ang dunong at talino kung anong payo ang kanyang tatanggapin at ipatutupad at kung ano ang ibabasura.
Si Presidente Gloria ay matalino na pero tingnan sana niya at tigbakin ang mga amuyong sa palasyo na nagpapahamak sa kanya. Nangunguna rito si "Kuryente Queen" na nagbigay ng malaking kahihiyan sa Pangulo. Siya ang nagsubo ng impormasyon sa Pangulo na nadale ng mga awtoridad ang mga kidnapper ni Betty Chua Sy sa isang enkuwentro sa Bataan. Kampanteng inanunsyo ito ng Pangulo. Iyon palay ibang grupo ng kidnappers ito at walang kinalaman sa pagdukot-pagpatay sa Coke executive. Huwag ko na lang banggitin ang pangalan dahil kilala naman ito ng Pangulo at ng buong palasyo.