Ang pagdating ng anak ng tao

ANG Linggong ito ang Unang Linggo ng Adbiyento. Sinisimulan natin ang bagong pangliturhiyang taon. Ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagdating ng Anak ng Tao. Inilahad sa Lukas 21:26-36 sa mga pangyayari.

Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito sa nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.

Sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinghaga: "Tingnan ninyo ang puno ng igos at ibang punongkahoy. Kapag nagdadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, malalaman ninyong malapit nang maghari ang Diyos. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng mga ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa ngayon. Mawawala ang langit at lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula."

"Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao."


Mabuting balita, iyan ang sinasabi ng Ebanghelyo. Bawat taon ay tinatanaw natin ang pangalawang pagdating ni Jesus. Bawat Pasko, ang ating pag-asa ay napapanibago. Ang ating mga karanasan ng biyaya at pakikibaka upang mapanatili ang ating pananalig at palaging magtiwala sa Diyos ay mga palatandaan ng ating kaseryosohan sa pagsasabuhay ng ating buhay.

Show comments