Hanggang sa ngayon hindi pa rin itinataas ni Mayor Atienza ang kanyang kamay na bakal para hagupitin sina Chairman Turing Sy at Franki Alejandro alyas Alejandrotong na nagpapahirap sa mga Pinoy vendors sa Divisoria. Tuloy ang ligaya ng dalawa, he-he-he! Talagang malakas kayo kay Atienza mga Sirs. Kung aarukin law daw ni Atienza ang problema ng mga vendors at buwagin ang mga sindikatong nasa likod nito tiyak bababa ang presyo ng mga gulay at iba pang bilihin sa Divisoria. Kaya mahal na minsan ang mga paninda sa Divisoria dahil bugbog na sa lagay ang mga vendors sa mga checkpoints ng pulisya at militar mula probinsiya at lalong nadagdagan pa ang danyos nila sa mga sindikato roon. Kaya dapat tirisin na ang sindikatong pinamumunuan nina chairman Sy at Alejandrotong para makahinga ng maluwag ang mga Pinoy vendors nga. Hala, kilos na Mayor Atienza.
Kung binabele-wala ni Atienza itong problemang dulot nina Chairman Sy at Alejandrotong, ganoon na rin ang iwas pansin niya sa inaanak niyang si Randy Sy, ang isa sa pinakamalaking video karera operators sa Maynila. Kinukunsinti ni Atienza ang inaanak niyang si Randy at hindi niya inaalintana na lalong dadami ang bilang ng mga drug addict sa lugar niya dahil sa video karera. At sobra talaga ang tapang ni Randy dahil pati tayo ay binantaan niyang isusunod sa dalawang kawawang nilalang na nabiktima niya, he-he-he! Abot-langit na ang natanggap nating pananakot, pero may inatrasan ba tayo mga suki?