Ayon sa Korte, sa survey ng Department of Environment and Natural Resources, ang lupang tinutukoy ay bahagi ng UP Campus sa Diliman. Ang kasong ito ay sinasabing isang pagtatangkang agawan ng lupa ang UP. Sa desisyong ito ay naging pinal ang pagkilala sa pagmamay-ari ng UP sa lupang nasasakupan nito. Ayon sa Korte, paulit-ulit na lamang na kinikilala at pinagtitibay ang titulo at pag-aari ng UP sa lupang kinalalagyan ng kampus nito sa Diliman. Ang titulo ng UP sa nasabing lupain ay indefeasible and beyond dispute. Ibig sabihin, ang UP lamang ang tunay at tanging nagmamay-ari ng naturang lupain.
Ang lupa ng UP sa Diliman ay palaging puntirya ng ibat ibang grupo na agawin ang ilang bahagi ng Diliman kampus. Sa katunayan, ilang buwan na ang nakararaan isang grupo ang nagtayo ng mga bahay sa UP Arboretum ngunit napaalis din ang mga ito.
Ang desisyon ng Korte sa kaso ay malaking tagumpay sa ating kampanya laban sa squatting syndicates. Minarapat kong talakayin sa aking kolum upang maipaalam sa publiko ang pagkilala sa pag-aari ng UP at sa gayon ay huwag kayong mabiktima. Sana sa pamamagitan ng kolum na ito malinawan ang publiko sa katayuan ng lupain ng UP kampus sa Diliman. Hindi ito pag-aari ng mga pribadong tao kundi ng UP lamang.