'Death penalty' tamang lengguwaheng maiintindihan ng mga kriminal

LAYUNIN ng kolum kong ito i-sentro ang inyong atensiyon sa isyu ng death penalty at ang kahalagahan nito.

Bilang pambungad, narito ang bahagi ng pahayag ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nitong Biyernes. Binasa pa ito mismo ni Secretary Ricardo Saludo, deputy presidential spokesman sa aking radio program sa DZME.

"The best way to deter crime is effective prevention, quick resolution and swift justice.We are working on a holistic approach that will depend on in institutional effectiveness rather than terminal retribution."


Bago matapos si Saludo, binigyan niya muli ng diin, "PANGHUHULI, PAGSASAKDAL, at PAGKUKULONG ng mga kriminal.Iyan ang ibig pagtuunan ng pansin ng pangulo. ‘Di naniniwala sa death penalty si Pangulong Arroyo."

Ang isang bagay na maaaring hindi nakikita ni President GMA ay ang problema sa ating Correctional system (kulungan). Dahil pagdating sa bilangguan partikular na sa New Bilibid Prisons (NBP), mga drug lords at kidnapping-for-ransom (KFR) syndicates sama-sama na sila. SILA ang "hari" lalo pang nagkakaroon ng "kapangyarihan" ang mga ito.

Nagagawa pa ng mga ito ipagpatuloy ang kanilang mga karumal-dumal na krimen sa pamamagitan ng kanilang mga miyembrong aktibo sa labas kahit na nasa loob na sila ng bilangguan.

Ang nagpapatakbo ng ating mga bilangguan, hindi ang ating PAMAHALAAN kundi ‘yung makapangyarihang "pamahalaan" sa ilalim ng salapi ng sindikatong droga, KFR at iba pa.

Mismo si Bureau of Corrections (BuCor) chief-General Dionisio Santiago kamakailan, aking nakapanayam. Tahasang niyang sinabi kung siya raw ang masusunod gusto niyang bitayin ang lahat ng mga druglords at mga loko-loko sa loob ng NBP.

Kahit daw sa loob na mismo ng NBP, talamak ang bentahan ng shabu. Matindi nga ang kampanya ng ating pamahalaan laban sa droga. Subalit sa loob naman daw ng kulungan matindi ang bentahan.

Dagdag pa ni Santiago, "ang nangyayari dito ‘yung mga drug lords na mga nakakulong ang namamayagpag sa kanilang illegal na transaksiyon."

Ipinakita lang ni Santiago ang kahinaan ng sistema ng mga kulungan partikular na ang NBP. Ito ang hubo’t hubad na katotohanan kung bakit lalong lumalakas ang loob ng mga kriminal.

Alam ng mga kriminal na sa kabila ng kanilang mga karumal-dumal na gawain, ang kanilang hahantungan ay kulungan lamang. Ibig sabihin, tuloy ang "ligaya," tuloy ang kanilang "negosyo."

Kaya hindi natatakot ang mga kriminal lalo na ang mga miyembro ng noturyus na KFR syndicates. Alam ito ni Kidnapping Czar, si General Angelo Reyes. Kung siya raw ang tatanungin, pabor siya sa death penalty.

Maraming mga anti-crime groups, business groups maging mga pamilya ng biktima pumapabor sa death penalty. Ito lamang ang tamang lengguwahe na magkakaintindihan ang pamahalaan at ang mga kriminal sa ating lipunan.

Show comments