Dahil sa sunud-sunod na pangingidnap na ang target ay ang mga mayayamang Tsinoy, nagkaroon ng paghihigpit sa seguridad ang mga school na pinapasukan ng mga anak ng mayayamang Tsinoy. Naalarma na sila at natatakot na baka sa mga sumunod na araw ay sila naman o ang kanilang mga anak ang makidnap. Lalo pa ngat kumikilos lamang ang Philippine National Police at anti-kidnapping task force kapag mayroon nang nakidnap at napatay gaya nga ni Sy.
Kinidnap si Sy noong Lunes ng umaga habang sakay ng kanyang RAV4. Puwersahang inilabas sa kanyang sasakyan, at inilipat sa isang puting FX taxi. Ipinatutubos siya ng mga kidnaper ng P10-milyon. Kinabukasan, natagpuan ang kanyang bangkay sa Parañaque na nakabalot sa isang itim na trash plastic bag.
Sino pa ang sunod na kikidnapin at papatayin? Marami ang humihingi sa ulo ni anti-kidnapping czar Angelo Reyes dahil sa hindi masawatang kidnapping pero ipinagtanggol pa siya ni President Arroyo. Bigyan ng pagkakataon. Kaaapoint lamang ni Reyes, makaraang magresign sa Department of National Defense.
Wala nang iba pang kasagutan sa lumalalang kidnapping at iba pang krimen kundi ang ibalik ang parusang kamatayan na matagal na ring nahimbing. Sa mga sunud-sunod na kidnapping, sigurado nang maraming dayuhan ang matatakot na magtungo sa bansa. Ang mga dayuhang negosyante naman ay maaaring ilipat ang kanilang negosyo sa ibang bansa na walang kidnapan. At isa lamang ang ibig sabihin niyan, marami ang mawawalan ng trabaho.
Malambot ang pamahalaan kung ang tungkol sa paglalapat ng parusang kamatayan ang pag-uusapan. Mas pinipili pang lumawak ang nasasakop ng mga halang ang kaluluwa kaysa isalang sa lethal injection chamber. Isang dahilan kung bakit napakalakas ng loob ng mga holdaper sapagkat mahuli man sila, hindi pa rin "matuturukan" sapagkat ang Presidente mismo ay ayaw itong ibalik. Malambot sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen. Hindi na nakapagtataka kung ang taumbayan mismo ang gumawa ng paraan kung paano gagantihan ang mga halang ang kaluluwa .
Ibalik ang parusang kamatayan at unang sampolan ang mga kidnappers at drug traffickers. Ito na lamang ang nalalabing paraan para masawata ang lumalalang kriminalidad sa lipunan.