^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pakitang-tao

-
ISANG araw makaraang mahuli ang dalawa sa mga kumidnap at pumatay kay Coca Cola executive Betti Sy, napatay din naman kaagad ang isa sa mga pinakamataas na lider ng kidnap for ransom gang sa Dinalupihan, Bataan. Kung hindi pa kinidnap at pinatay si Sy, hindi magkakaroon ng sigasig ang Philippine National Police (PNP) at ang anti-kidnapping task force, kabilang na si Angelo Reyes na tinaguriang anti-kidnapping czar. Sinabi ni Reyes sa isang press conference matapos mapatay ang kidnap gang leader na si Dr. Roberto Obeles Yap, "Magandang araw ito para sa mga law enforcers." Sabi naman ni PNP Spokesperson Director Ricardo de Leon, "crowning glory" sa pamahalaan ang pagkakapatay kay Yap. Isang katibayan aniya na masigasig ang pamahalaan sa pagdurog sa kidnapping syndicate. Talaga?

Marami ang humihiling sa ulo ni Reyes dahil sa incompetence. Maraming nagalit dahil sa karumal-dumal na pagpatay kay Sy noong Lunes ng umaga. Sakay si Sy ng kanyang RAV 4 nang harangin ng mga lalaki sa Biak-na-Bato, Quezon City. Kinabukasan, dakong 4:30 a.m. natagpuan ang kanyang bangkay na nakabalot sa trash bag sa Parañaque.

Paano kung hindi nagbuwis ng buhay si Sy, kikilos kaya ang sandamukal na anti-kidnapping task force ng PNP? Ang pagkilos nila ay dahil sa pressure ng taumbayang gigil na gigil sa lumalalang kaso ng kidnapping. Hindi maganda ang nangyayaring ito na ang taumbayan ang lagi nang natatalo dahil sa kapabayaan ng mga pinunong isinaksak sa puwesto. Maraming pinuno na basta na lamang inilagay pero wala namang muwang kung paano mapoprotektahan ang taumbayan. Nangyayari pa na kaya nasa puwesto ay dahil sa ambisyong pulitikal. Hindi maganda ito!

Tumaas ang bilang ng kidnapping. Ayon sa report ng Citizens’ Action Against Crime (CAAC), may 110 kaso na ng kidnapping ang naganap mula January hanggang October ng taong ito. May 165 biktima ang involved at 60 porsiyento ay naganap sa Metro Manila. Si Sy ay ika-166 na biktima ng pangingidnap. Sino pa kaya ang susunod sa kanya?

Ang mabilis na pagkakapatay sa lider ng Obeles Yap kidnap gang ay isang pagpapatunay lamang na kaya ng mga awtoridad na durugin ang sindikato. Pero ang nakapagtataka’y bakit tumatagal pa nang napakahabang panahon? Ba’t hinahayaan pa silang makapangidnap at makapatay saka aaksiyunan? Kikilos lamang kapag na-pressure at kapag hihingin na ang ulo ng pinuno. Hindi sana pakitang-tao lamang ang mga ginagawang ito. Delikado ang taumbayan at kawawa ang bansa na patuloy na iiwasan ng dayuhan dahil sa di-masawatang kidnapping.

ACTION AGAINST CRIME

ANGELO REYES

BETTI SY

COCA COLA

DR. ROBERTO OBELES YAP

KIDNAPPING

MARAMING

METRO MANILA

SY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with