Ayon pa sa Manilas Finest, kaya hindi sumusulong ang kasong illegal jumper ng kuryente at tubig laban kay Turing Sy ay dahil kinakalong siya ni Atienza. At hindi maaaring banggain mo lang si Turing at anak na si Randy dahil may alaga silang hitman na tagapatahimik ng mga kalaban nila. Idinagdag pa ng Manilas Finest na nakadalawa na si Randy Sy pero naayos niya ang kaso dahil mga hampaslupa lang ang kanyang nabiktima. Ibig bang sabihin niyan, tinatakpan lang ng mga Manila Police ang kabuktutan ni Randy Sy? Sinabi pa ng mga nakausap ko na kapag mainit si Randy dito sa Maynila, aba mag-aalsa balutan ito at magpalamig sa Amerika, he-he-he! Sobrang laki talaga ang kinikita ni Randy sa makina sa liderato ni Atienza.
Nilinaw naman ng dating empleyado ni Chairman, na ang riles ng tren sa Claro M. Recto ay hati sa pakinabang sina Turing Sy at Frankie Alejandro alyas Alejandrotong. At ayon sa Manilas Finest, may kakutsaba silang mga pulis na taga-Station 2 at Station 11 sa kanilang illegal na operasyon. At habang maligaya sina Turing Sy at Alejandrotong, aba ibig sabihin niyan patuloy ding namamantikaan ang nguso ni Tessie Talangka, di ba mga suki? Sa ngayon hindi pa rin nawawala ang pangamba ng mga Pinoy vendors diyan na kapag hindi na natin isisiwalat ang patuloy na pangha-harass ni Alejandrotong ay maaaring balikan sila. May balita pa ako na binantaan ng pulis na si Basmayor ang mga vendors na huwag basahin ang kolum ko kung sina Turing Sy at Alejandrotong ang mga bida, he-he-he! Hindi pala sports si Basmayor, di ba mga suki?